November 22, 2024

Home FEATURES Trending

VIRAL: Guro, ipinagtanggol nang ‘pagbintangang’ nagtuturo ng mali

VIRAL: Guro, ipinagtanggol nang ‘pagbintangang’ nagtuturo ng mali
(Courtesy: Teacher Anne/Ben Ritche Layos/FB)

“PANGALAN - PANGNGALAN?”

Viral sa social media ang isang Facebook post kung saan ipinagtanggol ng isang netizen ang gurong kinuyog ng ilan at pinagbintangang nagtuturo umano ng mali sa kaniyang mga estudyante.

Sa isang Facebook post ng netizen na si Ben Ritche Layos, inilakip niya ang screenshot ng FB reel ni Teacher Anne habang itinuturo nito sa kaniyang mga estudyante ang walong parts of speech at ang katumbas ng mga ito sa Filipino.

Makikita rin sa tabi ng larawan ang ilang mga komento ng netizens na nagsasabing mali umano ang spelling ng guro sa “pangngalan” na Filipino translation ng “noun.”

Trending

Estudyante sa Thailand, naipit ulo sa railings kasusulyap kay 'Crush'

Giit ng ilang pumuna sa guro, “pangalan” daw dapat ang ginamit ng guro at hindi “pangngalan.”

“Kids, go to school and study well,” caption naman ni Layos sa kaniyang post na pinatutungkulan ang mga pumuna sa guro.

“P.S: Ma'am is right to those who misunderstood this post,” dagdag niya.

Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), pangalan ang katumbas sa Filipino ng English word na “name” habang pangngalan naman ang “noun,” dahilan kaya’t mahihinuhang tama ang itinuro ng guro.  Ang pangngalan o noun ay bahagi ng pananalita sa Filipino o parts of speech nga sa English.

Samantala, habang isinusulat ito’y umabot na sa mahigit 78,000 reactions, 50 comments, at 73,000 shares ang post ni Layos.

“Tama naman ‘yung teacher, kasi ‘pangngalan’ in english is ‘noun’ as a part of speech while ‘pangalan’ in English is ‘name’,” komento rin ng isang netizen sa nasabing viral post.

“OPEN THE SCHOOLS! EMZ GRABEEEE,” hirit ng isa pa.

“Ngayon n’yo sabihing hindi mahalagang pag-aralan ang Wikang Filipino,” saad naman ng isa pang netizen sa comment section.

- MJ Salcedo & Mariah Ang