Naniniwala si Senate President Chiz Escudero na mas maganda umano kung hindi pangungunahan nina Senador Bato dela Rosa at Senador Bong Go ang komite sa Senado na mag-iimbestiga sa madugong giyera kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam nitong Huwebes, Oktubre 17, iginiit ni Escudero na nakausap na niya si Dela Rosa hinggil sa posibleng isasagawang parallel investigation ng Senado sa war on drugs.
"Nakausap ko na si Senator Bato kaugnay niyan, at ang sinabi ko sa kaniya, ano mang imbestigasyon na nais niya patungkol sa kaniya mismo at kay Senator Go, mas maganda siguro kung hindi sila mismo ang manguna ng komiteng ‘yun," ani Escudero.
"Para walang alegasyon na ito ay personal at hindi impartial at hindi fair. ‘Yun ang haharapin namin siguro sa mga susunod na araw," dagdag pa niya.
Sinabi rin ng pangulo ng Senado na ayos naman daw kay Dela Rosa ang kaniyang mungkahi kaugnay ng nasabing imbestigasyon.
“Okay naman sa kaniya. Nagkapalitan kami ng text kagabi. Pero isasapormal ko ito sa mga susunod pang araw,” saad ni Escudero.
Matatandaang kamakailan lamang ay ipinahayag ni Go na handa siyang magpasa ng resolusyon sa Senado upang magsagawa ng parallel investigation sa war on drugs “para malaman po natin ang katotohanan.”
MAKI-BALITA: Bong Go, willing paimbestigahan sa Senado drug war ni Ex-Pres Duterte
Sinabi ito ni Go matapos siyang idawit ni retired police colonel at dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma sa tinatawag na expansion ng "Davao model" o ang cash reward system na ginagamit daw sa Oplan Tokhang.
Mariin namang pinabulaanan ng senador at naging Special Assistant of the President ni Duterte ang naturang affidavit ni Garma sa isinagawang pagdinig ng House quad committee.
MAKI-BALITA: Bong Go, itinangging sangkot sa drug war ni Ex-Pres. Duterte: ‘Di ako nakikialam diyan!’
Samantala, iginiit naman kamakailan ni Dela Rosa na magsisilbing umanong venue ang Senado para magbigay ng sentimyento ang mga mga katulad daw niya at ni Go na napagbintangan sa quad-comm hearing.
Kaugnay ng naturang pag-imbestiga ng Senado sa drug war, sinabi ni Senador Risa Hontiveros sa isang pahayag nito ring Huwebes na iimbestigahan din ito ng Senado sa pamamagitan ng Senate Committee of the Whole.
MAKI-BALITA: Hontiveros, ipapanukalang imbestigahan ng buong senado ang 'War on Drugs' ni Ex-Pres. Duterte
Matatandaang inihayag ni human rights lawyer Chel Diokno kamakailan na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno