Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Oktubre 17, na patuloy pa ring nakaaapekto ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at easterlies sa malaking bahagi ng bansa.
Sa tala ng PAGASA dakong 4:00 ng umaga, malaki ang tsansang magdudulot ang ITCZ, na nasa timog na bahagi ng Mindanao, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Zamboanga Peninsula, Davao Occidental, Sarangani, South Cotabato, Sultan Kudarat, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, at Palawan.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga kalapit na lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Bukod dito, inaasahan ding magdadala ang ITCZ ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng SOCCSKSARGEN, BARMM, at Davao Region.
Ang ITCZ ay ang linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres, ani PAGASA Weather Specialist Benison Estareja.
Samantala, inaasahan namang magdudulot ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila, mga natitirang bahagi ng Luzon, at Eastern Visayas.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na may tsansa ng isolated rainshowers o thunderstorms din ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.
Maaari ring magdala ng pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o laban sa Philippine area of responsibility (PAR).