Sa gitna ng mainit na klima sa Pilipinas, nakaranas ng hailstorm ang isang barangay sa Asingan, Pangasinan, na tumagal ng mahigit tatlong minuto, na nagpapakita ng mga epekto ng matitinding localized thunderstorms at pagbabago ng panahon.
Sa ulat ng GMA Integrated News, Miyerkules, Oktubre 16—sinabi umano ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na dulot daw ng thunderstorms ang pangyayaring ito. Ang pag-ulan ng yelo, o tinatawag na hail, ay isang bihira ngunit hindi imposibleng pangyayari sa Pilipinas, lalo na sa panahon ng tag-ulan.
Ayon sa PAGASA, ang hail ay yelo na bumabagsak galing sa isang severe thunderstorm. Nabubuo ang hail kapag masyadong mainit ang isang lugar na nagdudulot ng pagtaas ng mga water vapor na maaaring lumagpas sa tinatawag na freezing level kung saan ang mga water vapor ay puwedeng mag-freeze at maging isang yelo. Kapag marami nang yelo na nasa itaas ng isang thunderstorm clouds, ito ay bumabagsak sa lupa bilang isang hail. Ang hail ay bumabagsak sa bilis na mahigit 100 kph.
Sa mga nakaraang taon, mas dumadalas ang ganitong uri ng mga extreme weather events dahil sa pagbabago ng klima. Ang mga kondisyon tulad ng matinding init at halumigmig na sinundan ng mabilis na paglamig ay nagiging dahilan ng pagbuo ng hail. Bagama't bihira ito, mas nagiging posible itong mangyari dahil sa panahon ng malalakas na thunderstorms na karaniwang may kasamang hanging habagat o monsoon rains.
Noong Abril 2018, nagkaroon ng pag-ulan ng yelo sa bayan ng Carranglan, Nueva Ecija. Sa Metro Manila ay naitala rin na noong Abril 2019 ay nagkaroon din ng hailstorms sa ilang bahagi ng Quezon City at Marikina. Noong Oktubre 2022, sinalanta ng malalaking hailstones na kasinlaki ng butil ng mais ang ilang bahagi ng lungsod sa Baguio City.
Mariah Ang