Usap-usapan ang naging sagot ni "Wil To Win" host Willie Revillame nang makapanayam siya sa "One News" kung ano ang mga panukalang-batas na ihahain niya kung sakaling manalo siya bilang senador sa darating na 2025 midterm elections.
Natanong siya ng host na si Gretchen Ho kung ano ang kaniyang panukala kung sakali ngang maboto siya at maluklok sa senado.
“Wala pa (akong mga panukala) hindi pa kasi ako nanalo,” anang Willie.
Saad naman ng hosts, dapat sigurong may masabi na siya dahil baka ibalik sa kaniya ng mga tao na wala pa siyang plataporma gayong tatakbo siya.
“Pag nanalo na ako doon ko na lang iisipin 'yon. Wag n’yo muna akong tanungin tungkol diyan, hindi pa ako nananalo. Hindi pa nga ako senador," sey ni Willie.
"‘Wag n’yo naman ako madaliin, kaka-file ko lang,” aniya pa.
Matatandaang humabol sa huling minuto at araw ng filing ng certificate of candidacy (COC) sa The Tent City ng Manila Hotel si Willie, noong Oktubre 8.
Sa kaniyang talumpati, bukod sa para makatulong sa mga tao ay binigyang-pansin ni Willie ang patuloy raw na bangayan sa senado kaya siya nagpasyang tumakbo na.
MAKI-BALITA: Willie nag-file ng COC, ibinunyag nag-udyok para tumakbong senador