Pasabog ang naging rebelasyon ng dating Philippine Basketball Association (PBA) courtside reporter matapos niyang isiwalat ang dahilan ng pagkakatanggal niya umano sa liga.
Sa isang Facebook post noong Martes, Oktubre 15, 2024, isiniwalat ng dating PBA courtside reporter na si Ira Pablo kung paano raw siya nabiktima ng diskriminasyon sa liga.
“STORYTIME: Sharing something I wish I had the courage to share 2 years ago —I became a PBA courtside reporter tapos tinanggalan ako ng trabaho kasi “mataba” daw ako,” saad ni Ira sa caption.
Inilahad niya sa nasabing post kung paanong ang tila dream come true niya ay mabilis din daw natuldukan sa loob lamang ng 10 games coverage dahil umano sa pagiging mataba niya.
“After 6 years of sports reporting experience, I was finally invited and chosen to report for PBA back in 2022. Sobrang saya ko talaga. It was a childhood dream come true,” ani Pablo.
“But after covering just about 10 PBA games, all of a sudden, wala na akong assigned games. Nagtataka ako kung bakit nagsimula na yung next conference, pero wala pa rin akong schedule,” saad ni Pablo.
Dagdag pa niya, bigla na lang daw humanap ng ibang reporters ang PBA na lingid umano sa kaniyang kaalaman ay nakatakda na raw siyang palitan.
“They held auditions for new PBA reporters, but I had no idea or even just a heads up from the management or network that I would be replaced. Akala ko magdadagdag lang talaga ng reporters.”Inilahad din ni Pablo na isang babaeng official daw ang nagdesisyong palitan siya ng mas “slim” daw sa kaniya.
“Some members of the production finally had the discretion to tell me what was REALLY going on —the head of the network, who is a female (if I may add), didn’t want a lot of plus sized girls as reporters for PBA. In short, body type ang naging basehan,” dagdag pa niya sa nasabing post.
Tila hindi niya rin daw inakala na kapuwa babae raw ang mag-oobjectify sa kaniya, sa isports na dinodomina ng kalalakihan.
“There has been an ongoing discussion on how men are objectifying women in a male-dominated workspace such as sports (specifically basketball), but there isn’t much discussion about how women are objectifying other fellow women in a male-dominated workspace,” ani Pablo.
Matapang din na isinaad ni Pablo sa naturang post na tinawag niyang “#KwentongPBA,” na may ilan pa umano siyang nababalitaang natanggal daw na empleyado dahil daw sa mas mababaw pang rason ng hindi niya pinangalanang opisyal.
Iginiit din niya na utang niya raw sa kaniyang youngerself ang mailahad ang kaniyang sinapit sa PBA, na hindi raw nakabase ang kaniyang talento sa pisikal na hitsura niya at sa diskriminasyon ng iba.
Tila isang pasaring din ang iniwan niya sa comment section ng nasabing post.
“Kaloka ka girl, palakad lakad ka din naman sa court eh hindi rin 25 ang waistline mo, kawawa yung mga may anak at pamilya na tinanggalan mo ng trabaho,” ani Pablo.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag o komento ang PBA, maging ang management ng TV network na humahawak sa liga.