November 22, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Estudyanteng may bipolar disorder, pumanaw umano nang ma-bully; paaralan sinisi raw ang magulang?

Estudyanteng may bipolar disorder, pumanaw umano nang ma-bully; paaralan sinisi raw ang magulang?
Photo Courtesy: Aisha Casubuan (FB)

Kumakalat ngayon ang serye ng mga post ni Aisha Monterey Casubuan tungkol sa pumanaw niyang anak na biktima umano ng bullying sa paaralang pinapasukan nito.

Base sa Facebook post ni Aisha noon pang Hulyo 16, 2024, na kasalukuyan pa ring naka-pin sa kaniyang profile, ang nag-iisang anak daw niyang si Shane na isang Grade 11 student sa World Citi Colleges (WCC) sa Quezon City ay nakaranas umano ng madalas na pambubully sa nasabing paaralan.

“Our daughter, a Grade 11 student with bipolar disorder faced constant bullying. The school knew about her condition from the start,” saad ni Aisha. 

“They even required us to provide an updated medical certificate to all officers and teachers. Despite our efforts their ‘zero tolerance policy on bullying’ meant nothing,” aniya.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Sa komento ni Aisha na mababasa sa isa kaniyang mga post, sinabi niyang pumanaw umano si Shane noong May 11, 2024. Nag-adjust daw umano ang medication nito ng anti-depressant sa kagustuhang gumaling. Hanggang sa lumala umano ang kondisyon ni Shane dahil sa matinding lagnat na nag-trigger ng cardiac arrest noong nasa loob ng emergency room ng St. Luke’s Hospital ang kanilang anak.

Ayon pa sa kaniya, wala raw silang natanggap na ibang tugon mula sa paaralan maliban sa pahayag na “under internal investigation” umano ang nasabing isyu mula noong Marso, kung kailan buhay pa umano si Shane hanggang sa lamay nito.

“After our last visit to WCC, where we were blocked from entering because we were with our attorney. It became clear that the school intended to shift blame to us,” lahad niya.

Dagdag pa ni Aisha: “This suspicion was confirmed when they referenced an incident report Shane filed against us during one of her episodes, which believe they used to deflect responsibility and avoid addressing her bullying complaints.”

Sa eksklusibong panayam ng Balita, sinabi ni Aisha na itinaas na umano ang isyu sa DepEd-NCR dahil bigo umanong tumugon ang WWC sa notice na ipinadala nila rito.

“They missed po the deadline of the noticed, escalated n po sa DepEd-NCR. Awaiting po ng hearing. July po ‘yong notice. Nag-reply po sila August 15 na. 72 hours lang ung deadline,” kuwento ni Aisha.

Pagpapatuloy pa niya, tila sinisi pa raw silang magulang.

 “They retained legal counsel, but they have denied responsibility for what happened to Shane and are placing much of the blame on us parents,” ani Aisha.

Sa kasalukuyan, clinically diagnosed daw si Aisha ng depression at lubha raw siyang naapektuhan sa nangyari.

“Receiving their response brought back feelings of anger and sadness. We hope DepEd NCR schedules the hearing soon, though we know it might take time,” sabi pa niya.

Samantala, sinubukan naman ng Balita na kunin ang panig ng World Witi Colleges hinggil sa nasabing isyu ngunit hindi pa sila tumutugon.