Nagbigay ng payo sa young players si Efren ‘Bata’ Reyes o mas kilala bilang ‘The Magician’ sa naganap na press conference ng Reyes Cup, Oktubre 14, 2024 sa Ninoy Aquino Stadium Manila, at nagbalik-tanaw din siya sa kaniyang karera sa larangan ng billiards.
Sa ulat ng ABS-CBN News, nakapanayam ni sports reporter Dyan Castillejo si Reyes pagkatapos nitong pangunahan ang Team Asia vs. Team Europe sa kauna-unahang Reyes Cup na gaganapin sa Oktubre 15-18, pagkatapos nito ay nagbigay siya ng payo sa mga nagnanais maging magaling na manlalaro ng pool.
"Pinakamaganda diyan, tapusin muna nila ang pag-aaral nila," diin niya.
"Basta pagkatapos nila, doon lang sila magbilyar para mas masuportahan din nila ang sarili nila hanggang sa paglaki," aniya pa.
Lubos ang pasasalamat ni Reyes sa mga sumusuporta sa kaniya sa loob ng mga dekada.
"Lahat kayong mga kababayan at lahat ng mga sumusuporta sa akin, nagpapasalamat ako sa kanila. Hanggang ngayon, nandito pa rin sila," aniya ni Reyes.
"Pinapanood pa nila ako, hinahanap pa nila ako, kahit nasaan man ako," dagdag pa niya.
Si Efren "Bata" Reyes, na itinuturing na isa sa pinakamagaling na manlalaro ng pool sa buong mundo, ay hindi nagkaroon ng coach sa loob ng anim na dekada niyang paglalaro.
Nagsimula ang kaniyang interes sa billiards nang dalhin siya ng kaniyang ama sa Maynila mula sa kanilang bayan sa Mexico, Pampanga, noong siya ay limang taon.
Ngayon, sa edad na 70, nakamit ni Reyes ang higit sa 100 propesyonal na titulo at nakilala bilang "The Magician" dahil sa mga kamangha-manghang galaw na nagpatanyag sa kaniya.
Pagtanaw niya sa kaniyang karera, ipinagmamalaki niyang nakuha niya ang tagumpay sa pamamagitan ng swerte.
"Sa mga tournament, 'yung magic na yan, suwerte lang 'yun. Tiyamba lang 'yun," aniya.
Natutuhan ni Reyes ang mga diskarte sa billiards sa pamamagitan ng pagmamasid sa iba at pagkuha ng mga teknik mula sa mga hindi mahusay na manlalaro.
"Hindi ako gumaling sa mga magagaling. Gumaling ako sa mga mahihina, sa mga hindi marunong. Napupulot ko 'yung mga tira nila na hindi nila kaya gawin," sabi niya.
Noong 2006, natamo ni Reyes ang pinakamalaking premyong $500,000 mula sa isang torneo sa Reno, Nevada. Ngunit, dahil sa buwis at iba pang mga bawas, hindi niya nakuha ang buong halaga.
"Sa 500,000 babawasan mo ng tax— magiging 350 na lang. Kasama ko si Pareng Jango [Bustamante] hati kami pala," paliwanag ni Reyes
Idinagdag pa na ang kalaban niya ay nag-request ng bahagi ng premyo.
Bagama't 70 na siya, patuloy pa rin siyang aktibo sa laro at magiging kapitan ng Team Asia sa nalalapit na Reyes Cup.
Ayon sa kaniya, hindi na kasing ganda ng kaniyang laro ng dati dahil sa sakit sa kaniyang mga balikat, ngunit patuloy pa rin siyang kumikita sa pamamagitan ng mga exhibition match.
Mariah Ang