January 22, 2025

Home FEATURES

ALAMIN: Batas sa bullying at ilang naitalang malalang kaso nito

ALAMIN: Batas sa bullying at ilang naitalang malalang kaso nito
Photo courtesy: Philippine Legal Research (website)

Tila muling umiingay sa social media ang isyu ng bullying sa bansa, partikular na nangyari ito sa ilang mga paaralan.

Matatandaang Agosto ngayong taon, nang maiulat ng Programme for International Student Assessment (PISA) na ang Pilipinas umano ang “bullying capital of the world.”

Katunayan, ayon sa tala ng Department of Education (DepEd) at DepEd Learner Rights and Protection Office (LRPO) mula sa datos na kanilang nakalap noong Enero 2024, mayroon umanong 83 na kaso ng physical bullying ang dumunog sa kanilang “telesafe” helpline. 

Naitala rin umano ng ahensya ang 28 verbal cases at 27 kaso ng cyberbullying.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Lumala ang diskusyon ng netizens sa bullying, matapos kumalat kamakailan ang video ng insidente ng bullying sa Pasig City. Mapapanood sa nasabing video kung paano nakuhanan ang umano’y pagluhod ng isang estudyante sa harap ng kaniyang bully habang sinasampal siya nito.

Samantala, ayon sa ulat ng GMA Integrated News noong Oktubre 15, 2024, pormal na umanong nagsampa ng kaso ang pamilya ng biktima. 

Kaugnay ng umano’y patuloy na paglala ng kaso ng bullying sa Pilipinas, ano-ano nga ba ang mga batas na sumasaklaw dito?

Nakasaad sa website ng isang lawfirm na Respicio & Co. na mayroong dalawang primaryang batas ang bansa hinggil sa bullying, ang Anti Bullying Act of 2013 at Cyberbullying.

Republic Act No. 10627 - The Anti-Bullying Act of 2013

Ang R.A No. 10627 ay isang batas na naglalayong mapigilan at maaksyonan ang bullying sa educational institutions. Ayon sa Section two ng R.A 10627 sa Official Gazette, nakasaad sa naturang batas na ang bullying ay maaaring “written, verbal, electronic expression at  physical contacts.”

“For purposes of this Act, “bullying” shall refer to any severe or repeated use by one or more students of a written, verbal or electronic expression, or a physical act or gesture, or any combination thereof…”

Cybercrime Prevention Act of 2012 (Republic Act No. 10175) 

Bagama’t hindi direktang sinasaklaw ng R.A No. 10175 ang bullying, ayon sa Section four ng naturang batas, maaaring maparusahan ang isang indibidwal na may kaugnayan sa panghaharas ng ibang tao gamit ang internet at technology.

“Libel. — The unlawful or prohibited acts of libel as defined in Article 355 of the Revised Penal Code, as amended, committed through a computer system or any other similar means which may be devised in the future.”

Sa kabila ng nasabing mga batas, may ilang malalang kaso pa rin ng bullying ang minsan na ring gumimbal sa marami.

Grade 8 student cyberbullying (2017)

Taong 2017 nang maiulat sa ilang regional local media ang sinapit ng isang grade 8 student, matapos umano mabiktima ng cyberbullying. Ayon umano sa imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR), kinitil ni Eric Hain Demafeliz ang kaniyang sariling buhay matapos umano mapagbintangang magnanakaw. 

Kumalat daw sa social media ang nasabing pagnanakaw ng gadget ni Demafeliz matapos umanong ma-hack ang kanyang Facebook account na nagpapakita raw ng mga gadgets na kaniyang ninakaw.

Samantala, sinubukan pa raw ireport ni Demafeliz ang kaniyang account sa pulisya, kasama ang kaniyang guro bago niya kitilin ang sariling buhay.

Ateneo bullying (2018)

Nakuhanan naman ng video ang bullying incident sa Ateneo De Manila University noong 2018, kung saan makikita ang pambubully ng kanilalang si Joaquin Montes, isang Taekwondo player. Sa nasabing video, pinapipili umano ni Montes ang kaniyang biktima kung “bugbog o dignidad.”

Agad na umani ng samu’t saring reaksiyon ang nasabing viral video at matapos ang sariling imbestigasyon ng Ateneo ay pinatawan ngang pinatawan expulsion si Montes.

Pananaksak sa tatlong estudyante sa Batangas (2023)

Nauwi naman sa pananaksak ang insidente ng Bullying sa Laurel, Batangas noong 2023. Sa ulat ng isang local media, dalawang estudyante ang kumpirmadong nasagutan habang ang isa naman ay nagawa umanong makatakbo upang humingi raw ng tulong sa pulisya.

Ayon sa imbestigasyon, ang suspek ay isang 30-anyos at siyang kapatid daw ng isa pang estudyanteng binubully umano ng mga biktima.

Pambubully ng isang guro sa kaniyang estudyante (2022)

Agosto 2022 naman nang maiulat ang umano’y pambubully ng mismong guro sa kaniyang grade five student sa unang araw daw ng pasukan. Sa kumalat na larawan ng isang papel, mababasa ang tila pamimilosopo umano ng guro sa isang estudyanteng mabagal daw magsulat. Ang naturang insidente ay mabilis na nakaabot sa DepEd Camarines Norte at agad na binigyan ng psychological aid ang biktima.

Ang bully victim na nakapagtapos bilang Magna Cum Laude (2023)

Isang nakaaantig ng istorya naman ang bitbit ni Jamie Cerrero matapos siyang makapagtapos sa kolehiyo noong 2023 bilang Magna Cum Laude sa University of the Philippines sa kursong Political Science. Sa ulat ng isang local media, biktima raw ng cyberbullying at mismong bullying si Jaimie magmula nang siya mag-aral. Kalimitan daw na memes ang inuugnay sa kaniya sa internet at inaagawan din ng pagkain sa kanilang paaralan.

Nadiagnose din daw si Cerrero ng depression noon, na minsan na rin daw sumagi sa isip niya na kitilin ang sariling buhay. Laking pasasalamat na lang umano niya sa kaniyang pamilya na hindi raw nawala sa kaniyang tabi hanggang sa dulo. 

Samantala, hinggil sa lumalalang bullying cases ng bansa, sinuguro naman ni DepEd Secretary Sonny Angara ang mas pagpapaigting pa umano ng mga batas tungkol dito.

“We already have the Anti-Bullying Act and that law requires all schools to have their policy against bullying. So, we will be strict with the implementation of that. We will issue an order to remind the schools to adopt an anti-bullying policy,” ani Angara sa panayam niya sa local media.