November 24, 2024

Home BALITA National

Sa gitna ng ethics complaint: Wilbert Lee, iginiit na walang intensyong manakit, mambully

Sa gitna ng ethics complaint: Wilbert Lee, iginiit na walang intensyong manakit, mambully
(Photo courtesy: Rep. Wilbert Lee/FB; Ellson Quismorio/ MANILA BULLETIN)

Iginiit ni senatorial aspirant at AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee na hindi niya kailanman magiging intensyong manakit o mambully ng kahit na sinuman matapos siyang sampahan ng ethics complaint ng mga kapwa niya mambabatas na sina Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo at BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co.

Matatandaang nitong Lunes, Oktubre 14, nang maghain sina Quimbo at Co ng reklamo laban kay Lee dahil sa umano’y “improper conduct” na ipinakita nito sa isinagawang budget deliberations ng Department of Health (DOH) ng Kamara kamakailan.

MAKI-BALITA: Rep. Wilbert Lee, nakatanggap ng ethics complaint dahil sa ‘improper conduct’

Sa isa namang pahayag nitong Lunes ng gabi, sinabi ni Lee na bagama’t iginagalang niya ang karapatan ng paghahain ng reklamo nina Quimbo at Co, hindi umano niya intensyon ang manakit ng sinuman at hindi respetuhin ang Kongreso.

National

Surigao del Sur, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

“Iginagalang po natin ito bilang karapatan ng ating mga kapwa mambabatas. Pero linawin ko lang po, hindi ko po kailanman magiging intensyon na manakit o mambully, kahit kanino, kahit sinuman,” giit ni Lee.

“Wala rin sa intensyon ko na hindi respetuhin ang Kongreso. Ang akin pong naging aksyon ay bunga ng ating matinding kagustuhan na matugunan na ang kulang-kulang at napakamahal na mga benepisyong pangkalusugan na isiniwalat natin noong nakaraang taon pa at mahigit isang dekadang hindi inaksyunan ng DOH at Philhealth (Philippine Health Insurance Corporation,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi rin naman ng mambabatas na hinihintay na lamang niya ang opisyal na kopya ng naturang ethics complaint upang makatugon dito.

“Kung tayo po ay ipatawag ng Committee on Ethics and Privileges, nakahanda po tayong magpaliwanag,” saad pa niya.

Isa si Lee sa mga naghain ng kandidatura sa pagkasenador kamakailan para sa 2025 midterm elections.