Sang-ayon ang aktor na si Gardo Versoza sa naging patutsada ni GMA Integrated News anchor Arnold Clavio laban sa mga kandidatong gustong manalo sa eleksyon subalit wala namang inilalatag na plano para sa bansa.
Sa kaniyang Instagram post nitong Oktubre 15, binigyan ng "scientific name" ni Igan ang mga kandidatong wala naman daw plano pero gustong manalo sa eleksyon.
"CACATUA MANGMANGUSAMUS (Noun)," aniya.
"Scientific name ng mga kandidatong gustong manalo pero walang plano," dagdag pa niya.
MAKI-BALITA: Arnold Clavio, may patutsada sa mga kandidatong gustong manalo pero walang plano
Kapansin-pansing nagkomento dito si Gardo na nagpapahayag din ng kaniyang mga saloobing politikal sa social media.
"hahahahahaha kanya kanyang diskarte talaga para makaahon sa buhay at magkamal ng salapi," aniya.
Matatandaang kamakailan lamang ay nag-post si Gardo na may kinalaman sa eleksyon, gaya ng naging pahayag ng pumanaw na Comedy King na si Dolphy tungkol sa pagtakbo, at paghinto ng political dynasty.
MAKI-BALITA: 'Patama sa artista, sports icons?' Gardo ni-reshare pahayag ni Dolphy tungkol sa politika
Naniniwala aniya siya sa naging pahayag noon ni Pidol na kung tutuusin, puwede siyang manalo dahil sa dami ng mga boboto sa kaniya, subalit naniniwala siyang wala siyang kakayahan o wala siyang alam sa politika.
Naniniwala rin si Gardo na hindi dapat suportahan ang tinatawag na "political dynasty" lalo na kung ginagawa na raw itong negosyo o bisyo.
MAKI-BALITA: Gardo, no to political dynasty; gobyerno, 'wag gawing negosyo, bisyong pagnakawan
Hindi naman nagbigay ng clue si Igan kung sino ang direktang pinatatamaan niya.