November 24, 2024

Home BALITA National

De Lima, sinagot pahayag ni Go na pinapalakpakan noon drug war: ‘Noon, maraming takot!’

De Lima, sinagot pahayag ni Go na pinapalakpakan noon drug war: ‘Noon, maraming takot!’
(file photo)

Sinagot ni dating Senador Leila de Lima ang naging pahayag ni Senador Bong Go na pinapalakpakan naman daw noon ang war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit bakit ngayon ay sinisisi na umano ang dating pangulo dahil dito.

Matatandaang sa panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes, Oktubre 14, binalikan ni Go ang anim na naging State of the Nation Address (SONA) ni Duterte noong siya ang pangulo ng bansa kung saan pinapalakpakan pa raw ang dating pangulo tuwing binabanggit ang giyera kontra droga ng administrasyon nito.

“Maalala n’yo ah, lahat ng SONA, 2016 up to 2021, anim na SONA, tuwing binabanggit ni dating Pangulong Duterte ang war on drugs, nagpapalakpakan po ang lahat. Standing ovation po ang Kongreso at ang Senado, dahil ramdam nila na may pagbabago po at tinupad ni dating Pangulong Duterte ang kaniyang pinangako noon. Standing ovation,” ani Go.

“Tapos bakit ngayon, sinisisi siya? Bakit ngayon mag-isa na lang siya? Hindi ba kayo nakinabang? Hindi ba nakinabang ang mga kababayan nating PIlipino? ‘Yung mga anak nating hindi nasasaktan. Hindi ba importante sa’tin ang buhay ng ating mga anak, ng ating mga pamilya? Nakinabang kayo ah. Nakinabang po ang PIlipino. Tinaya niya po ang kaniyang buhay dito. Tapos ngayon, mag-isa na lang siya. Puro sisi pa ang inabot,” dagdag niya.

National

Surigao del Sur, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

MAKI-BALITA: Bong Go, pinagtanggol si Ex-Pres. Duterte hinggil sa drug war: ‘Hindi ba kayo nakinabang?’

Binuweltahan naman ni De Lima ang naturang pahayag ng senador at iginiit na kaya lamang pinapalakpakan noon ang drug war ni Duterte ay dahil natatakot umano ang mga tao sa kaniya.

“Bakit daw dati pinapalakpakan, ngayon nag-iisa na lang? Kasi noon maraming takot na hindi nila palakpakan ang mga SONA ni Duterte,” pagbibigay-diin ni De Lima sa isang X post nitong Lunes ng gabi.

“Iilan lang ang matatapang. Kung gawan ka ba naman ng pekeng ebidensiya at ipahiya ka halos araw-araw sa media, kung hindi ka ba naman pumalakpak na lang kung duwag ka rin lang naman na walang ipinaglalaban,” saad pa niya.

Matatandaang nagsampa ang administrasyong Duterte ng tatlong drug-related charges laban kay De Lima, na naging hayagang kritiko ng nangyaring war on drugs sa bansa. 

Matapos ang mahigit anim na taong pagkakapiit ay napawalang-sala rin ang dating senador sa naturang tatlong kaso.

MAKI-BALITA: Leila de Lima, pinawalang-sala sa huling drug case

Samantala, kasalukuyang iniimbestigahan ng House quad committee ang extrajudicial killings (EJK) sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Kaugnay nito, sa isinagawang pagdinig noong Biyernes, Oktubre 11, ay isinangkot ni retired police colonel at dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma na sangkot umano si Go sa tinatawag na expansion ng "Davao model" o ang cash reward system na ginagamit daw sa Oplan Tokhang.

Mariin namang pinabulaanan ng senador at naging Special Assistant of the President ni Duterte ang naturang affidavit ni Garma.

MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, nag-offer ng reward para sa drug war killings — Garma

MAKI-BALITA: Bong Go, itinangging sangkot sa drug war ni Ex-Pres. Duterte: ‘Di ako nakikialam diyan!’

Noong buwan ng Hunyo ng taong ito nang ihayag ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.

MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno