Tumaas umano ang bilang ng mga Pilipinong itinuturing ang mga sarili bilang “pro-Marcos” habang bumaba naman ang mga Pinoy na “pro-Duterte,” ayon sa survey ng OCTA Research.
Base sa Tugon ng Masa third quarter survey ng OCTA na inilabas nitong Lunes, Oktubre 14, 38% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Mas mataas ito ng dalawang puntos kumpara sa datos noong second quarter survey noong Marso na 36%.
Nasa 15% naman daw ng mga Pinoy ang sumusuporta sa kampo ng mga Duterte, kung saan mas mababa ito ng isang puntos sa nakaraang survey ng OCTA na 16%.
Samantala, lumabas din sa pinakabagong survey ng OCTA na 7% ng mga Pinoy ang nagpahayag ng suporta sa oposisyon.
Bukod dito, 26% naman ng mga Pilipino ang nagsabing wala silang pinapanigan sa pagitan ng administrasyong Marcos, kampo ng mga Duterte, at oposisyon.
Tumanggi naman daw magpahayag ng kanilang sinusuportahan sa politika ang 14% ng mga Pinoy.
Isinagawa ang naturang survey ng OCTA mula Agosto 28 hanggang Setyembre 2, 2024 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents sa bansa na may edad 18 pataas.
May ±3% margin of error ang survey at 95% confidence level.