Kinilala at pinarangalan ang viral na babaeng elementary teacher sa isang pampublikong paaralan sa Batanes dahil sa kagitingang ipinamalas niya sa pamamagitan ng pag-akyat sa ituktok ng flagpole upang maikabit ang bandila ng Pilipinas para sa flag ceremony ng kanilang paaralan.
Makikita sa viral video ang walang takot na gurong si Carol Figuro Dela Cruz, 38-anyos, master teacher at apat na taon nang nagtuturo sa Savidug Elementary School, sa Sabtang, Batanes, na para bang kalahok sa palosebo, isang uri ng larong Pinoy na pag-akyat sa isang nakatirik na kawayan upang kunin ang banderitas sa tuktok.
Ibinahagi ang video ng punungguro ng paaralan na si Ma'am Arlene Castillo na nasa 12 milyon na ang views. Ang kumuha naman daw ng video sa kaniya ay co-teacher na si Ma'am Llewellyn Almeyda.
Pero sa pagkakataong ito, inilagay ni Teacher Carol ang rope sa itaas para sa flag ceremony.
MAKI-BALITA: 'Buwis-buhay!' Babaeng guro, kinabiliban matapos walang takot na umakyat sa flagpole
Sa panayam sa kaniya, bata pa lamang daw ay sanay na siyang umakyat ng puno ng niyog kaya wala na lang daw ito sa kaniya. Ayaw daw niyang i-asa sa mga bata ang panganib ng pag-akyat sa flag pole kaya siya na lamang daw ang gumagawa.
Bukod sa pag-akyat sa flagpole, kahanga-hanga rin ang dedikasyon ni Teacher Carol sa pagtuturo dahil bumabiyahe siya ng humigit-kumulang 14 na kilomentro para lamang makapasok sa paaralan.
Nitong Lunes, Oktubre 14, isa si Teacher Carol sa 55 honoree na pinarangalan sa isinagawang seremonya sa Rizal Park (Luneta).
Ang pagpaparangal ay iginawad ng Salute to a Clean Flag Movement, isang samahang nagbibigay-pugay sa mga taong may mataas na pagpapahalaga sa watawat ng Pilipinas.
Ayon sa opisyal na Facebook page ng National Parks Development Committee, ilang mga personalidad sa pamahalaan at organisasyon ang dumalo sa flag ceremony.