December 23, 2024

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Pregnancy and Infant Loss Remembrance Day, kailan nga ba nagsimula?

ALAMIN: Pregnancy and Infant Loss Remembrance Day, kailan nga ba nagsimula?
Photo courtesy: Pexels

Ginugunita ngayong Oktubre 15 ang Pregnancy and Infant Loss Remembrance Day sa iba't ibang bansa katulad ng Estados Unidos, Canada, at Australia.

Ang araw na ito ay nagbibigay-daan upang basagin ang katahimikan sa likod ng mga trahedya tulad ng pagkalaglag ng sanggol, Sudden Infant Death Syndrome (SIDS), at pagkamatay ng bagong panganak. 

Ayon sa The Miscarriage Association, ang araw na ito ay nagbibigay ng espasyo para sa mga magulang at pamilya na ipahayag ang kanilang pagdadalamhati at alalahanin ang kanilang mga nawalang anak.

Sa kasaysayan, unang ipinagdiwang ang araw na ito sa Estados Unidos, matapos ideklara ng Kongreso noong 1988 ang Oktubre bilang Pregnancy and Infant Loss Awareness Month.

Mga Pagdiriwang

Ang mayamang tradisyong tatak ng 'Paskong Pinoy'

Dagdag pa ng The Miscarriage Association, makalipas ang 13 taon, tatlong nagsulong ng petisyon ang miscarriage awareness activists na sina Robyn Bear, Lisa Brown, at Tammy Novak upang gawing isang opisyal na araw ng paggunita ang Oktubre 15. 

Noong Setyembre 28, 2006, ipinasa ng U.S. House of Representatives ang Concurrent Resolution 222, na nagpahayag ng suporta sa National Pregnancy and Infant Loss Remembrance Day.

Sa United Kingdom, ipinakilala naman ang unang Baby Loss Awareness Day noong Oktubre 15, 2002, na sinundan ng isang linggong paggunita mula Oktubre 9 hanggang Oktubre 15. Sa Canada, unti-unting kinilala ng iba't ibang probinsya ang araw na ito simula noong 2005 sa New Brunswick, hanggang sa Manitoba, Ontario, at Nova Scotia. 

Sa Australia, naging opisyal na pambansang holiday ito noong Pebrero 17, 2021 matapos ipasa ng kanilang parlyamento ang isang mosyon na nagtaguyod ng araw ng pag-alala sa pagkawala ng sanggol at pagbubuntis .

Ayon kay Dr. Nono Simelela, Assistant director-general for family, women, children and adolescents sa World Health Organization (WHO), marami pa ring pagbubuntis ang nagreresulta sa malungkot na mga kaganapan. 

Tinatayang isa sa bawat apat na pagbubuntis ay nauuwi sa umano sa miscarriage, at 2.6 milyong sanggol umano ang ipinapanganak na patay taon-taon, kalahati sa kanila ay namamatay sa panganganak. 

Ayon sa website ng Awareness Days, sa pamamagitan ng Pregnancy and Infant Loss Remembrance Day, maaari tayong magbigay ng suporta at magpalaganap ng kamalayan sa mga pamilyang nakaranas ng miscarriage.

Ang simpleng mga hakbang tulad ng pagsindi ng kandila, pagdalo sa mga kaganapan, at pagbabahagi ng kwento ay nagbibigay ng lakas at suporta sa kanila, at nagpapakita ng ating malasakit sa pinagdaraanang ito.

Mariah Ang