Isang 75-anyos na lolo mula Dagohoy, Bohol, ang pumukaw ng atensyon ng publiko matapos niyang mapagtagumpayan ang pagtakbo nang 25 kilometro sa marathon gamit ang kaniyang luma at sira-sirang sapatos.
Kilala bilang isang boxing trainer at ama ng limang anak, matagal nang hilig ni Quirubin Amaga Abella, ang pagsali sa mga takbuhan sa kabila ng kaniyang edad.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, nakatapos ng half-marathon sa loob ng dalawang oras noong Oktubre 5 si Lolo Quirubin. Naantig naman ang mga netizens at ang kapwa runners sa dedikasyon ni Lolo Quirubin sa pagtakbo sa kabila ng halos mapunit na niyang running shoes. Dahil dito marami ang nagpahayag na nais nilang bigyan ng bagong sapatos na pantakbo si lolo.
Ngunit ayon kay Lolo Quirubin, paborito niya raw suotin ang kaniyang sirang sapatos. Malaking bagay raw ang mga butas nito kapag umuulan dahil madaling nakalalabas ang tubig kapag siya ay tumatakbo.
Subalit, lubos naman ang pasasalamat ni Lolo Quirubin sa lahat ng mga nagregalo sa kaniya ng sapatos. Nais daw niyang ibahagi ito sa kabataang runners na kaniyang sinasanay. Dahil dito, lalo pa siyang hinangaan ng marami bilang inspirasyon sa pagiging matibay at mapagbigay.
Sa isang Facebook post ng IBC TV-13, isang digital sports brand umano mula Davao City pa ang naghahanap ngayon kay Lolo Quirubin upang bigyan siya ng bagong pares ng sapatos at iba pang gamit para sa susunod niyang takbo.
"Help us to find tatay. Meron lang po kaming munting regalo na ibibigay para sa ating super TATAY! Walang impossible," ayon sa brand.
Umani naman ng positibong komento ang nasabing post na ito mula sa netizens.
“Go!go!go! Lolo,Godbless and goodluck”
“Daghan na kaau ni Hoka karon bah..dagsa ang mga running shoes ani.”
“Lakas ni Tatay”
“Way to go po....Congrats”
“Tama ka Jan tatay!”
Nakatakda siyang muling sumali sa isang 24-kilometer run sa Nobyembre 3, at tiyak na mas marami pa ang susubaybay sa kaniyang pagtakbo at buhay.
Mariah Ang