January 22, 2025

Home BALITA National

Tanggol Wika, tinutulan pagpapatigil sa mother tongue bilang wikang panturo

Tanggol Wika, tinutulan pagpapatigil sa mother tongue bilang wikang panturo
Photo Courtesy: Tanggol Wika (FB), via MB

Naglabas ng pahayag ang Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino o Tanggol Wika kaugnay sa Republic Act (RA) No. 12027 na nagmamandatong ihinto ang paggamit sa mother tongue bilang wikang panturo mula Kindergarten hanggang Grade 3 sa bansa.

Sa Facebook post ng Tanggol Wika nitong Lunes, Oktubre 14, inihayag nila ang mariing pagtutol sa nasabing batas dahil sa mga sumusunod na punto:

1. Ang pagbabasura sa programang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) ay taliwas sa likas na batas ng pagkatuto na ang mga bata ay mas mabilis na natututong magbasa at magsulat kung wikang sarili ang ginagamit sa pagtuturo.

2. Ang pagbabasura sa MTB-MLE ay kabaligtaran din ng rekomendasyon ng halos lahat ng eksperto sa pagkatuto at edukasyon.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

3. Ang anumang kakulangan sa naging implementasyon ng MTB-MLE mula 2013-2023 ay hindi dapat isisi sa programa mismo kundi sa kakulangan ng pondo para sa sistemang pang-edukasyon. Ang dokumentadong kakulangan ng mga storybook, textbook, glosaryo, diksyunaryo at iba pang mahalagang materyal-panturo para sa MTB-MLE - bukod pa sa kakulangan ng sapat na pagsasanay para sa mga guro - ay direktang resulta ng kabiguan ng Malakanyang, Kongreso, at Senado na paglaanan ng sapat na badyet ang sistemang pang-edukasyon ng bansa. Sa aspektong ito ay halos wala pang progreso mula sa halos lahat ng administrasyong post-EDSA I hanggang sa ikalawang administrasyong Marcos: laging kulang ang badyet sa edukasyon. Nagkulang din ang Departamento ng Edukasyon (DepEd) sa pagtitiyak na ang lahat ng kailangan ng mga guro at estudyante, lalo na sa elementarya, ay maibibigay. Hindi inaksyunan ng mga nakaraang kalihim ng DepEd ang mga makatwirang demand ng mga guro kaugnay ng MTB-MLE at ng buong sistemang pang-edukasyon. Ang positibong impact ng MTB-MLE ay naging mas malawak sana kung ganap na pinondohan ng gobyerno ang lahat ng kailangan para sa maayos nitong pagpapatupad nang simulan ito noong 2013.

4. Taliwas sa claim ng mga kongresista at senador na nagbasura sa MTB-MLE, may mga lugar kung saan nagbunga ng matataas na marka ng mga estudyante. Halimbawa, batay sa datos ng Bureau of Learning Delivery sa Early Language, Literacy, and Numeracy Assessment (ELLNA), mas mataas ang mean percentage score ng mga estudyanteng Filipino, Hiligaynon, Ilokano, Ivatan, Kapampangan, Kinaray-a, Maguindanaon, Maranaw, Sinugbuanong Binisaya, Surigaonon, Waray, at Yakan ang wika kaysa sa mean percentage score ng mga estudyanteng Ingles ang wika. Samakatwid, may sapat na ebidensya para sabihing ang MTB-MLE ay may positibong impact din sa ilang mga rehiyon.

5. Ang pagbabasura ngayon sa MTB-MLE ay hakbang paurong na magbabalewala sa mga tagumpay ng paggamit ng wikang sarili sa edukasyon, at magbubunga ito ng lalong pagdausdos sa kalidad ng edukasyon sa bansa.

6. Ang mga inisyatibang kaugnay ng MTB-MLE ay naging salbabida ng ilang wika ng Pilipinas nasa bingit ng alanganin (mga nanganganib na wika o endangered languages) kaya’t ang pagpaslang sa MTB-MLE ay tila pagpaslang na rin sa mga wikang nanganganib sa Pilipinas.

7. Ang marami at mahigpit na rekisitos para sa opsyonal na pagpapatupad ng MTB-MLE sa mga monolinggwal na klase (gaya ng pagdebelop at paglalathala ng opisyal na ortograpiya at produksyon ng iba’t ibang uri ng babasahin) ay tila katumbas na rin ng pagbabawal sa MTB-MLE mismo kung isasaalang-alang ang hindi naman sapat na badyet para sa ahensyang inatasan ng mga nasabing gawain.

8. Bagamat sa unang tingin ay aakalaing pabor sa wikang pambansa ang R.A. 12027, mas malapit ito sa pagpapatupad ng status quo ng patakarang pangwikang maka-Ingles sapagkat hindi nito hinihikayat ang paggamit ng Filipino labas pa sa mga domeyn na dati na itong ginagamit. Dapat bigyang-diin na sa mahabang panahon, halos sa Araling Panlipunan lamang ginagamit ng maraming paaralan ang Filipino bilang wikang panturo at nananatiling Ingles ang wikang panturo sa mga asignaturang Siyensya at Matematika. Ang gayong patakarang pangwikang maka-Ingles ay tumatagos hanggang sa SHS na ang mga umiiral na curriculum guide ay pawang nasa Ingles, liban sa mga asignaturang Filipino. Kung babalikan ang iba pang pahayag ng presidente, lalong lilitaw ang ganitong maka-Ingles na patakarang pangwika na ibinabandera sa ngalan ng pagpapatuloy ng labor export policy (LEP; patakarang pag-eeksport ng mga manggagawang Pilipino).

Kaya naman nananawagan ang Tanggol Wika sa Senado, Kongreso, at maging sa Palasyo na agarang ibasura ang Republic Act (R.A.) No. 12027.

MAKI-BALITA: Hindi paggamit ng ‘mother tongue’ sa pagtuturo sa Kinder – Grade 3, naisabatas na!