Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Lunes, Oktubre 14, na ang shear line at easterlies ang patuloy na nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa.
Sa tala ng PAGASA dakong 4:00 ng umaga, malaki ang tsansang magdudulot ang shear line, o ang salubungan ng mainit at malamig na hangin, ng mataas na tsansa ng maulap na kalangitan na may kasamang mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa lalawigan ng Batanes.
Inaasahan din namang magdudulot ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Cagayan, Isabela, Aurora, at Quezon.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama'y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahan ding magdudulot ang easterlies ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila, mga natitirang bahagi ng Luzon, at Eastern Visayas.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na may tsansa ng isolated rainshowers o thunderstorms din ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.
Maaari rin magkaroon ng pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o laban sa Philippine area of responsibility (PAR).