Naghain ng ethics complaint sina Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo at BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co laban kay AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee dahil sa umano’y “improper conduct” na ipinakita nito sa isinagawang budget deliberations ng Kamara kamakailan.
Base sa reklamo nina Quimbo at Co nitong Lunes, Oktubre 14, nangyari ang insidente noong Setyembre 25, 2024, kung saan isinagawa sa Kamara ang huling araw ng plenary deliberations para sa pag-sponsor ng budget ng Department of Health (DOH) para sa 2025.
Isinalaysay ng dalawang kongresista na sa naturang sponsorship ay galit na galit umanong lumapit si Lee patungo sa podium ng plenary hall at sinabing: "Kung hindi nyo ako pag sasalitain, manggugulo ako.”
Sa mga panahong iyon ay nagkaroon na umano ng pagkakataon si Lee para mag-interpolate noong Setyembre 23, 2024.
“Bakit kami? Sponsor lang kami dito,” sagot naman ni Quimbo saka raw lumayo sa podium dahil sa pag-aalala sa kaniyang kaligtasan. Nag-aalinlangan naman umano si Co kung sasagot din o tatakbo palayo.
Pagkatapos ng sponsorship, mangiyak-ngiyak daw na nagpahayag ng “emotional distress” sina Quimbo at Co, at saka niyakap ang isa't isa.
Habang sinusulat ito’y wala pa namang tugon o reaksyon si Lee sa naturang ethics complaint na inihain laban sa kaniya nina Quimbo at Co.
Isa si Lee sa mga naghain ng kandidatura sa pagkasenador para sa 2025 midterm elections.