November 22, 2024

Home SHOWBIZ

Makalipas ang 31 taon: Pulis, nahanap at muling nakasama ang Koreanang ina

Makalipas ang 31 taon: Pulis, nahanap at muling nakasama ang Koreanang ina
Photo Courtesy: GMA (FB), Screenshot from Toni Talks (YouTube) and Screenshot from TV Chosun

Nag-viral sa social media ang kuwento ng isang Filipino-Korean police officer nang mahanap niya ang kaniyang Koreanang ina matapos ang 31 taon.

Sa latest episode ng Toni Talks nitong Linggo, Oktubre 13, nakapanayam ni TV host-actress Toni Gonzaga ang kamakailan na nag-viral na police officer na si Julius Manalo. 

Ayon kay Manalo, matagal na niyang hinahanap ang kaniyang ina. Nagtagumpay lamang siya sa tulong ng South Korean media company na "TV Chosun," na naglaan ng limang buwan sa paghahanap.

Dagdag pa niya, nahirapan siyang makipag-ugnayan sa ina dahil noong 1993, ang tanging paraan lamang ng komunikasyon ay telepono. 

Tsika at Intriga

JC De Vera, na-offend sa 'biro' ni Alex Gonzaga

Kuwento niya, anim na taon siya nang mawalay sa kaniyang ina. Sapilitan umano siyang inilayo ng kaniyang ama sa Koreanang ina. Sinabi raw sa kaniya ng ama na pansamantala silang pupunta sa Amerika. Lingid sa kaniyang kaalaman sa Pilipinas pala siya dadalhin at dito na permanenteng maninirahan. 

Nabuksan din ang usapin ang tungkol sa umano’y kasinungalingan ng kaniyang ama. Kuwento ni Manalo, sinabi raw sa kaniya ng ama na magpapakasal na raw ang kaniyang ina sa ibang lalaki at hindi siya tanggap nito, kaya nagdesisyon umano ang kaniyang ina na ipamigay siya. 

Lumaki si Manalo sa piling ng kaniyang ama sa Tondo, Maynila. Aniya, naghintay siya ng mahabang panahon para muling makita ang ina. Aminado siyang hindi raw naging madali ang kaniyang paghahanap. 

Nagsumikap daw siyang hanapin ang ina sa internet ngunit mahigpit daw umano ang privacy laws sa Korea, na naging balakid sa kaniyang paghahanap.

“Unang unang tinype ko nung nagka-access ako sa Internet, nanay ko at yung pangalan ng pinsan ko,” saad ni Manalo. Ngunit noong mga panahong iyon, walang gaanong impormasyon na makuha sa online.

Naging emosyonal si Manalo nang maibahagi niya na dumating siya sa punto na hindi niya sinasama ang kaniyang middle name o middle initial sa mga dokumento, dahil pinapaalala lamang nito sa kaniya ang kaniyang ina at ang masasakit na alaala ng kanilang paghihiwalay. 

“That’s why noong bata ako hindi ko sinusulat ‘yong letter O sa pangalan ko, Julius Manalo lang. O is Middle initial ko sa nanay ko ‘di ba…masakit, kasi iyon ‘yong alaala ko sa mother ko. Akala ng iba, sinasadya ko lang, tapos minsan nagsasalita akong wala akong nanay. Kunwari pagalit, pero sa loob ko noon ayaw ko...kasi maalala ko lahat iyon e, kumbaga parang nagbabalik nga ngayon e…naalala ko iyon e," ani Manalo habang bumabalik-tanaw sa mga panahon ng kaniyang pangungulila.

Nagsimula muli ang paghahanap ni Manalo sa kaniyang ina sa tulong ng TV Chosun. Sa kabutihang-palad, isang kaibigan ng kanilang pamilya sa Korea ang nakapanood ng episode sa telebisyon at nagbigay ng tamang impormasyon. Naging posible ang muling pagkikita ni Julius at ng kaniyang ina–sa wakas at sa emosyonal na tagpo, agad niyang niyakap ang ina habang tinatawag ito ng "Eomma!"

"Habang tumatakbo ko na parang pakiramdam ko nawawala uniporme ko ng pulis... hanggang sa bumalik kami sa airport," kuwento ni Manalo.

Pagkatapos ng reunion, sinabi ni Manalo na masaya siya dahil nahanap niya ang kaniyang ina sa tamang panahon at nasagot ang mga katanungan niya mula pa noong bata siya. 

"At least ngayon, nakita niya ko... maayos na ‘ko, meron akong maayos na trabaho... lahat, perfect timing," aniya. 

Ngayon, plano raw nilang bawiin ang mga nawalang taon at gumawa ng mga bagong alaala bilang pamilya.

Bagama't masaya siya sa muling pagkikita ng ina, hindi niya ikinakaila ang mga pinagdaanang sama ng loob dahil sa kanilang mahabang pagkakawalay. Gayunpaman, sinabi niya na nagpapasalamat siya sa Diyos na natagpuan niya ang kanyang ina sa tamang panahon, lalo na ngayong maayos na ang kaniyang buhay.

Mariah Ang