Mainit na pinag-uusapan ngayon ang retiradong pulis na si Royina Garma na kasalukuyang nasa kustodiya ng House of Representatives.
Ilang mga impormasyon na ang kaniyang isiniwalat tungkol sa umano’y kaugnayan niya at ng ilang malalaking pangalang may kinalaman umano sa war on drugs noong 2016 at ang naging sistema sa naturang kampanya ng noo’y administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagpapatuloy pa ng mga pagdinig hinggil sa katotohanan umanong kaniya pang ilalahad, narito ang ilang mga impormasyon kung sino nga ba si Royina Garma.
Setyembre 12, 2024 at Setyembre 27, 2024 nang unang imbitahan si Garma bilang isang resource person ng Joint Committee on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, and Public Accounts of the Honorable House of Representatives (Quad Comm).
Si Garma ay isang retiradong Police Colonel na nagtapos sa Philippine National Police Academy noong 1997 at dati ring general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Siya ang kauna-unahang babaeng naging direktor ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Central Visayas at taong 2019 naman nang italaga siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang general manager ng PCSO.
Sa kasagsagan ng kaniyang pagdalo sa mga nakaraang Quad Comm hearings, may pinirmahang affidavit si Garma tungkol sa mga kaugnayan niya sa drug war noon.
Si Garma at ang umano’y task force sa war on drugs
Saad ng nasabing affidavit, Mayo 2016 nang una siyang tawagan ng dating pangulo ukol sa umano’y pagbuo ng task force na naglalayon daw na kayaning maipatupad ang drug war sa buong bansa.
Ayon sa kaniyang affidavit, matagal na umano siyang konektado kay Duterte nang minsan na siyang nagsilbi bilang station commander sa isa sa mga police station sa Davao noong alkalde pa lamang ang dating pangulo. Ipinag-utos umano ni Duterte na humanap siya ng mga pulis na miyembro ng Iglesia Ni Cristo na maaaring makapagpatupad ng drug war sa buong bansa. Isiniwalat din ni Garma ang umano’y reward system ng pulisya sa bawat napapatay at nahuhuli raw nilang pusher at user.
KAUGNAY NA BALITA: Ex-Pres. Duterte, nag-offer ng reward para sa drug war killings — Garma
Si Garma at ang pagpatay sa tatlong Chinese drug lords
Lumutang din ang pangalan ni Garma sa pagkamatay umano ng tatlong Chinese drug lords noong 2016 sa Davao Penal Colony (Dapecol). Sa imbestigasyon ng Quad Comm sa pagkamatay ng nasabing tatlong drug lords, isa pang pulis at dati ring kasamahan ni Garma sa PNP ‘97 ang nagpatotoo sa pamamagitan ng affidavit na bumisita umano si Garma sa Dapecol noong July 2016 at hinanap sa kaniya kung saan daw nakakulong ang tatlong drug lords. Iginiit din daw nito na mayroon umano siyang “operasyon” sa tatlong Chinese drug lords.
Si Garma at ang kaso ni Wesley Barayuga
Noong Setyembre 27, 2024, panibagong testigo na si Police Lt. Col. Santie Fuentes Mendoza ng PNP Drug Enforcement Group (DEG) ang naimbitahan ng quadcomm at nagpatotoo na si Garma at ang upperclassmen ni Garma na si National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo ang mga nagplano umano at nag-utos na ipapatay si PCSO board secretary Wesley Barayuga noong 2020.
Saad ni Mendoza, ikinuwento umano ni Leonardo sa kaniya na kay Garma raw mismo nanggaling ang ₱300,000 na ginamit upang ipaligpit daw si Barayuga na noo’y nakatakda umanong isiwalat ang anomalya nina Garma sa PCSO.
Hanggang ngayon ay nananatili pa rin ang imbestigasyon ng Quad Comm tungkol sa umano’y malawakang paglabag sa karapatang pantao noong kasagsagan ng war on drugs.
-Kate Garcia