Binuweltahan ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tila nalinlang umano siya ni Vice President Sara Duterte nang sabihin nito hindi sila magkaibigan.
Matatandaang sa panayam ng mga mamamahayag noong Biyernes, Oktubre 11, tinanong si Marcos hinggil sa kasalukuyan nilang relasyon ni Duterte.
“I don’t know anymore. I’m not quite sure I understand,” ani Marcos.
Nagbigay rin ng reaksyon ang pangulo sa naging pahayag kamakailan ng bise presidente na hindi sila magkaibigan at nagkakilala lamang umano sila noong nakaraang eleksyon at sinabing: “I am a little dismayed to hear that she doesn’t think that we are friends. I always thought we were, but maybe I was deceived.”
MAKI-BALITA: VP Sara, hindi 'isang kaibigan' si PBBM; nagkakilala lang dahil sa eleksyon
MAKI-BALITA: PBBM, inakala raw na magkaibigan talaga sila ni VP Sara: ‘Maybe I was deceived’
Iginiit naman ni Roque sa isang pahayag nitong Sabado, Oktubre 13, na ang naturang pahayag daw ni Marcos hinggil kay Duterte ay isang “plain and simple gaslighting.”
Ayon kay Roque, si Marcos daw ang unang nang-iwan dahil sa pananahimik umano niya sa mga isyung kinaharap ni Duterte.
“Tahimik ang Palasyo nang pumutok ang isyu ng confidential funds ng Office of the Vice President na ang nagbigay ay ang Pangulo at nanggaling sa Pangulo. Maraming isyu magmula noon ay hinayaan lang ng pinsan ni PBBM na wasiwasin si VP Sara,” giit ni Roque.
“Ang pagkakaibigan ay nagbibigayan, nagdadamayan at nagkakaunawaan. Ang kaibigan, lalo na ang tunay na kaibigan, ay nakakadama kung ang kaibigan ay may dinadamdam, may sakit, masaya o may umaaway dito. Give and take. Hindi iniiwanan sa ere. Sa madaling salita, ikaw, PBBM ang unang nang-iwan,” saad pa niya.
Matatandaang naging mag-tandem sina Marcos at Duterte noong 2022 national elections sa ilalim ng ticket ng "UniTeam.”
Samantala, nagsilbing spokesperson si Roque noong termino ng ama ng bise presidente na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasalukuyang siyang hinahanap ng mga awtoridad matapos maglabas ng arrest order laban sa kaniyang ang Kamara.
MAKI-BALITA: Roque, ipina-cite in contempt dahil hindi isinumite ang SALN at iba pang dokumento sa House QuadCom
MAKI-BALITA: Rep. Abante, binalaan si Harry Roque: ‘Justice will catch up to you!’