Inoobliga na ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng social media accounts ng bawat kandidato na mairehistro alinsunod umano sa Fair Elections Act.
Saklaw ng naturang mandato ang lahat ng social media accounts ng mga kandidato na may kaugnayan daw sa internet-based campaign. Kabilang dito ang official social media pages, websites, podcasts, blogs at vlogs.
Matatandaang nauna ng dumipensa si Comelec Chairman George Erwin Garcia sa isang media forum noong Oktubre 12, 2024 na may legal na basehan daw ang kanilang polisiya.
“Nakalagay doon, the Comelec has the power to regulate radio, television, newspapers, and other forms of media. And we decided to interpret that as to include social media,” ani Garcia.
Isa rin sa binigyang diin ng ahensya ang regulasyong mabantayan umano ang lahat ng ginagastos at pagkakagastusan ng mga kandidato para sa kanilang kampanya.
“Iyong mga social media influencers na nababayaran ng pagkamahal-mahal… Pero walang regulation. Eh paano yung ginagastos doon? E hindi ba lahat ng gastos ngayon kahit sa TV, radyo, dyaryo, kailangan i-report sa amin?” dagdag ni Garcia.
Ipinaliwanag din ni Garcia na nilalayon din ng naturang polisiya na maaksyonan ang lumalalang fake news na pinalalala pa umano ng paggamit ng artificial intelligence (AI).
“Problema rin ang deep fakes. Itsura mo, mukha mo, boses mo… biglang nag-endorse para sa eleksyon. Boto niyo si ganiyan. Naniwala ang lahat ng kaniyang supporters at tagapakinig na talagang endorsement niya, yun pala hindi siya. ‘Yun pala, AI-generated.”
Samantala, inilabas na rin ng Comelec sa kanilang Facebook account noong Oktubre 9, 2024 ang mga official link kung saan maaaring makapag-register ang bawat kandidato ng kani-kanilang campaign platforms.
Kate Garcia