January 03, 2025

Home BALITA National

Bong Go, willing paimbestigahan sa Senado drug war ni Ex-Pres Duterte

Bong Go, willing paimbestigahan sa Senado drug war ni Ex-Pres Duterte
MULA SA KALIWA: Sen. Bong Go at dating Pangulong Rodrigo Duterte (Facebook; file photo)

“Para malaman po natin ang katotohanan…”

Ipinahayag ni Senador Bong Go na handa siyang magpasa ng resolusyon sa Senado upang magsagawa ng parallel investigation sa madugong giyera kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes, Oktubre 14, sinabi ni Go na nasa panig lamang umano siya ng “katotohanan,” kaya’t maghahain daw siya ng resolusyon kung kinakailangan para imbestigahan din sa Senado ang war on drugs ng administrasyong Duterte, tulad ng ginagawa ng Kamara.

“Kung kakailanganin po, para magkaroon tayo ng parallel investigation dito sa Senado, para malaman po natin ang katotohanan, I’m very much willing na mag-file din po ng resolusyon. Para magkaroon po ng investigation din po dito sa Senado; para malaman natin kung ano lang ‘yung totoo.,” saad ni Go.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Nang tanungin naman kung tungkol saan ang tinutukoy niyang imbestigasyon, ani Go: “Kung gusto n’yong imbestigahan ang war on drugs, pwede nating pakinggan dito. Lalong lalo na ang ating chairperson si Senator Bato, he is the chairperson of the Committee of Peace and Order at siya po ay chief PNP (Philippine National Police).”

“Para malaman natin kung ano talaga ang totoo at ano po ang naidudulot at tulong nito sa ating mga kababayan. Nakatulong ba ito sa ating pamumuhay, ang war on drugs. Kung tahimik bang nakakauwi ang ating mga anak nang hindi nasasaktan,” saad pa ng senador.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng House quad committee ang extrajudicial killings (EJK) sa war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan sa isinagawang pagdinig noong Biyernes, Oktubre 11, isinangkot ni retired police colonel at dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma na sangkot umano si Go sa tinatawag na expansion ng "Davao model" o ang cash reward system na ginagamit daw sa Oplan Tokhang.

Mariin namang pinabulaanan ng senador at naging Special Assistant of the President ni Duterte ang naturang affidavit ni Garma.

MAKI-BALITA: Bong Go, itinangging sangkot sa drug war ni Ex-Pres. Duterte: ‘Di ako nakikialam diyan!’