November 23, 2024

Home FEATURES Human-Interest

BALITrivia: Ang ‘I Love You’ na nagbigay ng trauma sa halip na kilig noon

BALITrivia: Ang ‘I Love You’ na nagbigay ng trauma sa halip na kilig noon
Photo courtesy: Pexels

Naranasan mo na bang masabihan ng “I love you?” Oh, bago kiligin o kaya naman ay maging bitter-sweet ngayong araw ng “I Love You Day,” alam mo bang tila naging bangungot ang pahayag ito noon sa buong mundo?

Sa pagpasok ng taong 2000, hindi lahat ng tao ay ninais na makatanggap ng mensaheng ito, dahil taliwas daw sa kilig na dulot nito, ay tila itinuring itong sumpa sa iba’t ibang panig ng mundo lalo na sa online world. Oh teka, hindi dahil lahat ng tao noon ay naging bitter ah! Taong 2000 kasi nang kumalat ang tinawag na “I love you” virus.

Ayon sa Computer Museum of America, tinatayang nasa 45 milyong Windows computer daw ang naapektuhan ng “I love you” virus noon. Ang nasabing virus kasi ay isang uri ng computer worm, o virus sa isang computer na nagdudulot upang mabura ang personal files ng isang computer kagaya na lamang ng photos, audio files at documents.

Tila sadiya yata talagang mapagmahal ang mga Pinoy, dahil ang nasabing “I love you” virus, sa Pilipinas pala nagmula.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Sa ikinasang malawakang imbestigasyon ng United States Congress, napag-alamang sa Pilipinas daw nagmula ang nasabing virus kung saan natukoy na si Onel de Guzman, isang college dropout ang naging pasimuno nito.

Sa naging panayam ng media noon kay de Guzman, sinabi niyang hindi niya raw umano intensyon na makapaminsala ng computer files ng iba. Nais niya lamang daw na makakuha ng libreng access sa computer password ng isang indibidwal upang magkaroon ng libreng internet.

Matatandaang nag-drop out si de Guzman na noo’y Computer Science student matapos umanong tanggihan ng kaniyang professor ang thesis niya tungkol sa pagkuha ng ilang impormasyon sa computer system ng iba upang makakuha ng libreng internet at ma-access ang mga impormasyon dito na magpapalawak pa ng kaalaman ng iba, na pinaniniwalaan niya na isa umanong karapatang pantao.

Ayon sa ilang ulat ng international media outlets, hindi rin nakaligtas ang ilang naglalakihang ahensya na may cyber systems kagaya ng Pentagon at ilang US government institutions. Maaari kasing pasukin ng nasabing virus ang isang computer system kapag binuksan ng computer user ang email kung nasaan ang attachment file na “LOVE LETTER FOR YOU.”

Samantala, bigo namang makasuhan si de Guzman dahil wala pang batas noon ang Pilipinas na sumasaklaw sa usapin ng cybersecurity at cybercrime. Ayon sa ulat ng ilang local media outlets, kasalukuyan umanong nagtatrabaho si de Guzman sa cellphone repair shops sa Maynila.

Kate Garcia