Kasalukuyan umanong umuugong ang planong pagbabawas o tuluyang pag-aalis sa asignaturang Filipino sa senior high school (SHS)
Sa Facebook post ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino o Tanggol Wika nitong Lunes, Oktubre 14, nakarating umano sa kanila ang balitang isinasapinal na umano ng Department of Education (DepED) ang bagong kurikulum para sa SHS.
“Sa isang bersyon ng borador ng kurikulum ng SHS, magiging isa (1) na lang (mula sa dating 3) ang mandatoring asignaturang Filipino (bilang core subject) sa SHS,” saad ng Tanggol Wika.
Dagdag pa nila: “May ilang entidad din na sa halip na bawasan lamang ay nagmamaniobra para tuluyang alisin ang lahat ng asignaturang Filipino sa SHS.”
Kaya naman naghayag sila ng pagtutol sa planong ito ng DepEd dahil sa mga sumusunod na punto:
1. Bago pa ang napabalitang planong bagong kurikulum sa SHS, matatandaan na nang ilabas ang Matatag Curriculum ay inalis na rin ang Filipino sa Grade 1, kaya’t anumang pagbabawas o pagtatanggal ng asignaturang Filipino sa SHS ay panibagong dagok na naman sa pagtataguyod ng wikang pambansa sa edukasyon.
2. Alinsunod sa college readiness standards na inilabas mismo ng gobyerno, ang mga kasanayang pangwika, pampanitikan, pangkomunikasyon, at pampananaliksik ay kailangang linangin para maging handa sa pagkokolehiyo ang mga estudyanteng Pilipino. Samakatwid, esensyal at di dapat bawasan ang espasyo para sa Filipino na siyang asignaturang lumilinang sa lahat ng mahahalagang kasanayang ito.
3. Sa ibang bansa sa Asya gaya ng Malaysia, Indonesia, Thailand, Vietnam, South Korea, at Japan, mandatoring asignatura rin sa SHS/upper secondary school ang kanilang wikang sarili. Pawang mas mataas din ang score sa Programme for International Student Assessment (PISA) ng mga bansang ito kaysa sa Pilipinas.
4. Kung ang pabalat-bungang paggamit sa Filipino bilang wikang panturo ang gagamiting dahilan para bawasan o alisin ang Filipino bilang asignatura sa SHS, dapat bigyang-diin na ang pagkakaroon ng matitibay na asignaturang Filipino lamang ang makapagtitiyak na may sapat na pundasyon at pagsasanay ang mga estudyante para sa epektibong pagiging wikang panturo ng Filipino sa iba pang asignatura. Sa simpleng salita, mababalewala at mabibigo lamang ang anumang pagsisikap na gawing wikang panturo ang Filipino sa iba pang asignatura kung walang asignaturang Filipino ang mga estudyante.
5. Sa napakaraming kaugnay na pananaliksik, nailahad na ang mahigpit na ugnayan ng pambansang kaunlaran at matibay at intelektwalisadong wikang pambansa. Halimbawa, batid nating lahat na ang relatibong mabilis at mas naunang industriyalisasyon ng Japan (kumpara sa iba pang bansa sa Asya) ay direktang resulta ng patakarang pangwika at pang-edukasyon na nakakiling sa paggamit at pagtuturo ng wikang sarili sa lahat ng antas ng edukasyon na nagbigay-kasanayan sa mga estudyante, guro, mananaliksik, inhinyero, siyentista at iba pang Hapones para sa mabilisan at tuluy-tuloy na produksyon ng mga tekstong siyentipiko at teknikal na naging (at patuloy na) salalayan ng pagyabong ng industriya at ekonomiya ng Japan. Samakatwid, ang pagbabawas ng espasyo para sa Filipino sa SHS ay pagpapahina rin sa pagsulong ng intelektwalisasyon ng Filipino at sa potensyal at kapasidad ng Pilipinas na maabot ang lebel ng kaunlaran na naabot na ng Japan at iba pang bansang nagpapahalaga sa at gumagamit ng wikang sarili sa edukasyon.
6. Bukod sa matagal nang alam ng lahat na mga probisyong pangwika sa Konstitusyong 1987, dapat bigyang-diin ang ipinapahayag sa Artikulo XIV, Seksyon 14 tungkol sa obligasyon ng Estado sa preserbasyon, pagpapayaman, at dinamikong ebolusyon ng pambansang kultura ng Pilipinas batay sa prinsipyo ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba, na mas epektibong maisasabalikat lamang kung may matibay na wikang pambansang magbubuklod sa mga mamamayan. Samakatwid, ang pagbabawas ng espasyo para sa Filipino ay malinaw na pagsuway sa atas ng Konstitusyon.
7. Kung isasaalang-alang ang hindi paggamit ng mga ahensya ng gobyerno sa wikang Filipino at ang matagal nang patakarang pangwikang maka-Ingles sa mga paaralan, ang planong bawasan o alisin ang mga asignaturang Filipino sa SHS ay panibagong atake at banta na naman sa adbokasi para sa makabayang edukasyon.
8. Nang ipataw ng CHED ang CHED Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013 na nagtanggal sa Filipino at Panitikan bilang mga mandatoring asignatura sa kolehiyo, isa sa mga pangunahing palusot ng gobyerno ay ang claim na hindi naman daw talaga tinanggal ang mga ito at inilipat lamang sa senior high school. Kung babawasan o tatanggalin na rin ang Filipino at Panitikan sa senior high school, malinaw na isang malaking kasinungalingan ang palusot para sa CMO No. 20, Series of 2013 at lilitaw rin na matagal nang plano ng gobyerno na burahin ang Filipino sa sistemang pang-edukasyon at kung gayon, ang latest na planong bawasan o alisin ang Filipino sa kurikulum ng SHS ay pagpapatuloy lamang ng pangkalahatang iskema na alisin ang espasyo para sa makabayang edukasyon.
9. Nang ipataw ang CMO No. 20, Series of 2013, humigit-kumulang 10,000 guro ang nanawalan ng trabaho, nabawasan ng teaching load (at ng sweldo/kita rin), na-displace, o sapilitang inilipat ng lebel o asignaturang itinuturo. Naging mahirap ang sitwasyon ng marami sa mga gurong apektado na ang iba ay sapilitan ngang inilipat sa SHS. Kung aalisin o babawasan ang Filipino core subjects sa SHS, muli na namang madi-displace ang maraming guro.
10. Kung pababayaang bawasan o alisin ang Filipino core subjects ngayon sa SHS, hindi malayong dumating ang araw na unti-unti na rin itong alisin at tuluyang paslangin maging sa junior high school at elementarya. Sa kasagsagan ng pakikibaka natin laban sa anti-Filipino CMO No. 20, Series of 2013 ay nagbabala na tayo sa posibilidad na ang pagtatanggal ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo ay maging prelude sa pagtatanggal din nito sa iba pang lebel ng edukasyon. Dapat tayong matuto sa aral ng kasaysayan at ngayon pa lang ay hadlangan na ang anumang tangka na bawasan o alisin ang mga natitirang asignaturang Filipino.
Sa huli, nanawagan ang Tanggol Wika sa DepEd na huwag ituloy ang planong pagbabawas lalo na ang pag-aalis sa asignaturang Filipino sa SHS.
Hinamon din nila ang ahensya na maging ingklusibo sa pagpaplano at pagbuo ng kurikulum upang masiguro na tumutugon ito sa pangangailangan ng mga estudyante at mga komunidad sa Pilipinas.
Maliban dito ay tinutulan din ng Tanggol Wika ang Republic Act (RA) No. 12027 na nagmamandatong itigil ang paggamit sa mother tongue bilang wikang panturo mula Kindergarten hanggang Grade 3.
MAKI-BALITA: Tanggol Wika, tinutulan pagpapatigil sa mother tongue bilang wikang panturo