December 27, 2024

Home BALITA National

11 senatorial aspirants ng Makabayan, nangakong lalabanan ‘political dynasties'

11 senatorial aspirants ng Makabayan, nangakong lalabanan ‘political dynasties'
Courtesy: Makabayan Coalition/FB

 Ipinangako ng 11 senatorial aspirants ng Makabayan Coalition na isusulong nila ang pagkabuwag ng political dynasties sa bansa kung maluklok sila sa Senado sa 2025 midterm elections.

Sa isang Facebook post nitong Lunes, Oktubre 14, ibinahagi ng Makabayan Coalition ang isang “panata laban sa political dynasties” na nilagdaan ng kanilang senatorial aspirants at party-list nominees.

Nakasaad sa covenant ang kanilang pagpapahayag ng pagkabahala sa “pamamayagpag ng mga political dynasties sa halalang 2025.”

“Mga magkakapamilya, magkakapatid, mag-ama, mag-ina, buong mga angkan, ay nagpapaligsahan para makopo ang mga halal na posisyon at ilagay ang kapangyarihan sa kamay ng ilang mga pamilya. Mula lokal hanggang pambansang mga posisyon, naglipana ang mga political dynasties, habang ang mga ordinaryong mamamayan ay sinasagkaan na makalahok at mahalal,” anang Makabayan Coalition.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Tutol kami sa ganitong kalakaran. Ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa kamay ng ilan ay taliwas sa demokrasya. Nagiging kundisyon ito para sa kurapsyon at naglilingkod lang para sa makitid na interes ng mga nasa poder at kanilang mga pamilya. Hindi unlad ang ating bansa kung puro dynasty ang namumuno habang hindi napapakinggan ang boses ng karamihan.

Sobra na. Isa-isa lang dapat. Huwag naman pami-pamilya ang sabay-sabay na tatakbo.

Hindi family business ang serbisy publiko,” dagdag nito.

Kaugnay nito, sinabi ng mga kandidato sa Makabayan na kapag nahalal daw sila sa susunod na eleksyon, wala na umanong miyembro ng kanilang pamilya ang tatakbo sa iba pang posisyon sa pamahalaan, pambansa man o lokal.

“Kami ay nangangako na maghahain o susuporta sa isang Anti-Dynasty Bill alinsunod sa prinsipyong itinatakda ng Konstitusyon, gayundin sa anumang inisyatiba para maipagbawal ang mga political dynasties,” anila.

“Ang pagbabago ay dapat simulan naming mga tumatakbong kandidato. Hinahamon namin ang iba pang kandidato na gawin ang panatang ito alang-alang sa interes ng ating bayan. Higit sa lahat, nananawagan kami sa taumbayan na itakwil ang mga political dynasties at maghalal ng mga tunay na kakatawan sa interes ng malawak na mamamayan, hindi lang ng iilan. Isulong natin ang kilusan para sa bagong pulitika at para sa totoong pagbabago. Panahon na,” dagdag pa ng Makabayan Coalition.

Matatandaang noong Oktubre 4 nang sabay-sabay na naghain ng kanilang certificate of candidacy (COC) ang 11 senatorial aspirants ng Makabayan.

Ang mga kakandidatong senador sa Makabayan slate ay sina: Liza Maza (Gabriela Party-list), Mody Floranda (PISTON), Mimi Doringo (KADAMAY), Jocelyn Andamo (Filipino Nurses United), Ronnel Arambulo (PAMALAKAYA), Danilo Ramos (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas/KMP), Teddy Casiño (Bayan), Jerome Adonis (Kilusang Mayo Uno/KMU), Rep. Arlene Brosas (Gabriela Party-list), Rep. France Castro (ACT-Teachers), at Amirah Lidasan (Sandugo). 

MAKI-BALITA: 11 senatorial aspirants ng Makabayan, sabay-sabay naghain ng COC