Matindi ang naging karanasan ng aktres na si Roxanne Guinoo matapos ma-diagnose ang kaniyang ama ng cellulitis, isang seryosong impeksyong bacterial na puwedeng magdulot ng malubhang komplikasyon kung hindi maagapan.
Sa kaniyang Instagram post, ibinahagi ni Roxanne ang hirap na pinagdaanan ng kanilang pamilya at ang kaniyang pag-aalaga sa ama.
Ayon kay Roxanne, nagsimula ang kondisyon ng kaniyang ama sa pamamaga at matinding kirot sa binti, na nauwi sa sugat at impeksyon makalipas ang dalawang linggo. "Kung sakali po tayo ay magkasugat, agarin po natin na gamutin dahil puwede po itong mangyari,” paalala niya sa mga followers.
Ipinaliwanag ng aktres na kung hindi maagapan, maaaring kumalat ang impeksyon sa buto, na posibleng humantong sa pagputol ng apektadong bahagi ng katawan. Nagpasalamat din siya sa mga nanalangin para sa mabilis na paggaling ng kaniyang ama.
Ayon sa mga eksperto, tulad ng WebMD, ang cellulitis ay isang impeksyong dulot ng bacteria tulad ng Streptococcus at Staphylococcus. Kung hindi ito maaagapan, maaaring kumalat ang impeksyon sa mas malalalim na bahagi ng katawan gaya ng mga lymph nodes at bloodstream.
Bilang isang kilalang personalidad, si Roxanne ay sumikat noong 2004 matapos sumali sa Star Circle Quest. Ilan sa kaniyang mga naging proyekto ay ang Mga Anghel na Walang Langit at Ligaw na Bulaklak.
Kamakailan, ipinakita ni Roxanne sa isang TikTok video ang kaniyang pagmamahal at pag-aalaga sa kaniyang mga magulang, kabilang na ang regular na pagbisita at pag-aayos ng kanilang tahanan tuwing Linggo.
Umani ng positibong reaksiyon ang IG reels ng aktres.
“Kapag mabait na ama at asawa, babalik at babalik din ang kabutihan sayo.”
“Sana all naalagaan hanggang pagtanda ang parents. Get well soon po!”
“Miss my papa too, get well soon po.”
“Grabe idol, God bless.”
“Napakabuti mong anak. God bless you and sana gumaling na father mo.”
“Get well po tatay, namiss ko dad kong alagaan.”
Mariah Ang