Kinumpirma ng management ng sikat na social media platform na TikTok, na nakatakda nilang bitawan ang nasa 500 empleyado sa pagsisimula umano nilang gumamit ng artificial intelligence (AI).
Ayon sa ulat ng GMA News nitong Sabado, Oktubre 12, 2024, tinatayang nasa 500 ang apektado ng nasabing layoff sa bansang Malaysia. Noong Miyerkules, Oktubre 9, 2024, natanggap umano ng mga empleyado ang email tungkol sa pagkawala raw ng kanilang trabaho.
Ang nasabing paggamit umano ng AI ay nakatoka sa content moderation. Matatandaang matagal nang ginagamit ng TikTok ang automated detection at human moderators sa pagkakaroon ng regulasyon ng mga content ng platform.
“We're making these changes as part of our ongoing efforts to further strengthen our global operating model for content moderation,” saad ng spokesperson ng TikTok noong Biyernes, Oktubre 11, 2024.
Samantala, ayon naman sa ilang ulat ng international media outlets, nauna na raw magbawas ng human workforce ang TikTok sa iba pang bansa kagaya ng Ireland noong Abril 2024, kung saan 250 raw ang tinanggal ng kompanya.
Ayon sa official website ng TikTok na ByteDance, tinatayang mayroon silang kabuoang 110,000 empleyado mula sa 250 siyudad sa iba’t ibang bansa.
Kate Garcia