November 23, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Kalabaw na ibebenta na sana sa meat trader dahil sa katandaan, nailigtas

Kalabaw na ibebenta na sana sa meat trader dahil sa katandaan, nailigtas
Courtesy: The Cat House/FB

Matapos ang mahigit 30 taong pagiging katuwang sa bukid, isang kalabaw ang ibebenta na sana sa meat trader dahil hindi na raw mapakinabangan dulot ng kaniyang katandaan, ngunit sa tulong ng concerned citizens ay nailigtas ng isang private rescue group at binigyan ng panibagong tahanan.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Nea Medina, kaibigan ng founder ng private rescue group sa Cavite na “The Cat House”, pagmamay-ari ng isang magsasaka sa Antipolo ang kalabaw na si Batik.

Plano na raw ng may-ari kay Batik na ibenta ito sa halagang ₱80,000 hanggang sa naging ₱100,000 para sa kaniyang kabuhayan, dahil hindi na rin umano ito mapakinabangan sa bukid. 

“Since Batik is old na, she was being sold apparently to a meat trader. When The Cat House learned about it they immediately went there para kausapin si tatang,” ani Medina. 

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Agad na nag-post ang animal rescue group sa kanilang Facebook page hinggil sa kalagayan ni Batik at marami ang naantig dito at nagpadala ng tulong.

“Walang alam si Batik na ibebenta na siya. Sa tagal ng panahon, hindi na niya namalayan na nakabaon na ang tali niya sa noo. Tatlumpong taon ng pag-aararo. Nakakaramdam na siya ng kahinaan. Gusto na lang niya magpahinga, kumain at lumublob sa putikan,” nakasaad sa post ng The Cat House.

“A human being in the same age and physical state would already be allowed to rest, to just stay home and be cared for by family members. Kaso ‘Hayop yan e. Yan talaga ang buhay nila.’ There’s an animal trader willing to buy Batik. Mababawi naman daw yung pambayad dahil mahal ang bentahan ng balat at karne ng kalabaw.

“Para sa iba, livestock si Batik. Wala nang pakinabang. Kailangan ng kapalit. Pagiging practical kung idi-dispose na habang may bibili pa. — Hindi na natin iyon mababago. Pero kaya siguro nating sagipin ang buhay ni Batik kung magtutulong tulong tayo,” dagdag pa nito.

Dahil sa tulong ng concerned citizens, ani Medina, nakalikom ang rescue group ng halagang ₱100,000 na kailangan noong Oktubre 9, 2024, at nasagip si Batik.

Matapos mabili sa magsasaka ay iminungkahi rin daw ng The Cat House ang paggamit ng mga equipment sa bukid na alternatibo sa kalabaw.

“Bilang nalaman ng The Cat House na ‘yung ibabayad nila is ibibili ng bagong kalabaw, they introduced the wonders of technology via farming equipment and tools. Binayaran siya ng P100K tapos nag-donate sa kanila ng mga equipment and tools,” kuwento ni Medina.

“So they got to keep their money at nakapag-donate pa sa kanila ng mga kagamitan na madaming makikinabang dahil maraming farmers doon,” saad pa niya.

Sa kasalukuyan ay nasa shelter na raw ng The Cat House si Batik, kung saan mayroon din daw doong 246 mga hayop.

Kaugnay nito, kumakatok ang rescue group sa mga nais tumulong daw sa mas pagsasaayos ng kanilang shelter upang mas maging ligtas ang mga hayop dito, tulad ni Batik.

Para sa mga nais magpadala ng tulong, maaari raw ipadala sa mga sumusunod:

GCASH: 0906-235-2037 (Arizza D)

GCASH: 0956-235-9856 (Arizza D)

BPI: 1279-1144-14 | Arizza Aying Dungca

PAYPAL: [email protected]