Sumabak sa isang araw na pagiging guro si actress-vlogger Alex Gonzaga sa Lipa City Science Integrated National High School bilang pakikiisa sa nakalipas na teachers’ month celebration.
Sa latest episode ng vlog ni Alex nitong Linggo, Oktubre 13, ibinahagi niya na may kinalaman daw sa education ang programang tinapos niya sa kolehiyo.
Ayon sa kaniya, “Alam n’yo, isa sa majors ko ang education. Kaya ako ay pwede ring maging isang guro…ng kalokohan.”
“Hindi,” bawi ni Alex,”puwede akong maging guro ang course ko actually child development. Dahil bata pa lang ako, gustong-gusto ko nang maging guro.”
Dagdag pa niya: “So today dahil naman patapos na ang teachers’ month pero hindi naman natatapos ang pagdiwang sa mga teacher, ise-celebrate pa rin natin. Dahil for today ako ay magiging teacher!”
Kaya naman nang magturo siya ng balancing chemical equation sa mga senior high school student ay napatunayan daw ni Alex na mahirap daw pala talagang maging isang guro.
“Ito na ang napatunayan ko today. Mas mahirap maging teacher. Kaya kung nahihirapan kayo [mga estudyante], mas dobleng hirap ng mga teacher. Kaya galangin natin sila,” aniya.
Pahabol pa niya: “Thank you, teachers.”
Sa huling bahagi ng vlog, nagpaabot ng regalo si Alex para sa kaguruan ng Lipa Science High School tulad ng electric fan, tsaa, bag, at marami pang iba.