Sa buwan ng Oktubre, buong mundo ang nagkakaisa para sa Breast Cancer Awareness Month, isang kampanyang may layuning palawakin ang kaalaman tungkol sa Breast Cancer, itaguyod ang regular na pagsusuri, at mangalap ng pondo para sa pananaliksik at suporta sa mga apektado ng sakit.
Ayon sa World Health Organization (WHO), mahigit 2.3 milyong kababaihan taon-taon ang tinatamaan ng breast cancer, at sa taong 2024, tinatayang 360,000 katao ang madadapuan nito.
Ayon sa National Breast Cancer Foundation (NBCF), ang maagang pagtuklas ng breast cancer ay napakahalaga sa mas mataas na tiyansa ng paggaling.
Sa katunayan, kung ang sakit ay madiskubre sa pinakamaagang yugto nito, ang limang-taong survival rate ay umaabot sa 99%. "The earlier we act, the bigger our impact — and we need your help" ayon sa NBCF.
Ang Metastatic Breast Cancer Awareness Day naman ay ginugunita tuwing Oktubre 13. Ang araw na ito ay nakatuon sa kababaihang may metastatic breast cancer o iyong mga kaso na kumalat na ang kanser sa ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa Metastatic Breast Cancer Network, tinatayang nasa 168,000 kababaihan sa Estados Unidos ang may ganitong kondisyon. "The need for more money to go to the study of metastatic breast cancer and the development of new metastatic cancer treatments." pahayag ni Shirley Mertz, presidente ng Metastatic Breast Cancer Network.
Hindi lamang kababaihan ang apektado ng sakit na ito.
Ayon sa American Cancer Society (ACS), tinatayang 2,790 kalalakihan sa Estados Unidos ang madi-diagnose na may breast cancer ngayong 2024.
Dahil dito, itinalaga ni Pangulong Joe Biden ang Oktubre 17-23 bilang Men’s Breast Cancer Awareness Week, upang palakasin ang kamalayan tungkol sa kanser sa suso sa kalalakihan, pati na sa mga trans men at non-binary na tao na posibleng apektado rin ng sakit.
Ang Breast Cancer Awareness Month ay nagsimula noong 1985 bilang isang linggong kampanya sa pakikipagtulungan ng American Cancer Society at Imperial Chemical Industries, isang kumpanyang gumagawa ng gamot na tamoxifen.
Sa paglipas ng panahon, ang pink ribbon ay naging simbolo ng kampanya, una itong ipinakilala noong 1992 sa pangunguna ni Alexandra Penney, isang editor sa Self magazine, at breast cancer survivor na si Evelyn Lauder ng Estée Lauder.
Subalit, hindi lahat ay natutuwa sa pink ribbon at sa mga selebrasyon ng buwan. Ayon sa grupo na Breast Cancer Action, ang "pinkwashing" o komersyal na pag-gamit ng pink ribbon ay nakakabawas sa atensyon sa tunay na pangangailangan ng mas maraming pananaliksik at mas epektibong paggamot.
Bilang tugon sa lumalalang bilang ng kaso ng breast cancer, inilunsad ng World Health Organization (WHO) ang Global Breast Cancer Initiative (GBCI) noong 2021. Layunin nito na pababain ang mortality rate ng breast cancer ng 2.5% bawat taon hanggang 2040, na magliligtas ng tinatayang 2.5 milyong buhay.
Kabilang sa estratehiya ng GBCI ang pagpapalaganap ng kaalaman sa maagang pagtuklas ng sakit, mabilis na diagnosis, at komprehensibong pangangalaga sa mga pasyente.
Ngayong Oktubre, higit sa pink ribbons, mahalaga ang masusing pag-unawa sa epekto ng breast cancer at ang ating papel sa laban kontra dito.