Nagkaroon ng bagong bihis ang "Bahay Pangulo" na matatagpuan sa loob ng Malacañang Park kung saan tumitira ang pangulo ng Pilipinas matapos sumailalim sa renovation
Sa panayam ng GMA Integrated News kamakailan, ibinahagi ni Architect Conrad Onglao na si First Lady Liza Araneta-Marcos daw ang nagbigay ng mungkahi sa magiging disenyo ng “Bahay Pangulo.”
“Ang gusto lang ni First Lady, ‘I want you to make it feel like a resort.’ Sabi ko, ‘Anong architectural style?’ Sabi niya, ‘Kahit parang Asian modern,’” lahad ni Onglao.
Kaya naman hindi nakapagtatakang may personal touch ng First Lady ang disenyo ng bahay dahil ito raw ang pumili ng mga gamit na karamihan ay binili sa Pampanga.
Bukod sa mga pinta ni National Artist Fernando Amorsolo, matatagpuan din sa presidential house ang swimming pool na madalas daw gamitin ng Unang Ginang para mag-ehersisyo.
Gayundin ang cardio machine at weights na matatagpuan naman sa gym room kung saan nagwo-work out ang pangulo.
Makikita rin sa loob ang billiard tables, board games, arcade machine, at racing simulator na nagsisilbi umanong libangan ng presidential son na si Vincent Marcos.
Bagama’t ang pangulo lamang at unang ginang ang nakatira sa “Bahay Pangulo,” pumupunta rin naman dito ang iba pang miyembro ng pamilya tuwing Linggo para magsagawa ng misa at magsama-sama.
Ayon pa sa ulat, inaanay na raw ito at binabaha kapag umuulan. Kaya naman ayon kay Onglao, tinaasan nila nang elevation ang nasabing bahay.
“So kahit tumaas ‘yong Pasig River, hindi na papasok yung tubig. Saka naglagay kami ng sand pump,” aniya.
Hindi naman nagbigay si Onglao ng tiyak na presyo kung magkano ang kabuuang nagastos sa pagpapaayos ng “Bahay Pangulo,” batay sa ulat ng ABS-CBN News.
Pero ayon umano kay Onglao, “very conscious” daw sila pagdating sa budget ng renovation.
“‘Pag sabihin, ito mahal, can we have an alternative? Sabihin namin, yeah, ito,” saad pa niya.
Inaasahang tatagal umano ang presidential house ng dalawa hanggang limang dekada dahil sa tibay ng bagong disenyo nito.
Matatandaang ang “Bahay Pangulo” ay dating “Bahay Pangarap” na ipinaayos ni Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. simula nang maupo siyang pangulo ng Pilipinas noong 2022.
Pero bago pa man ito ay dumaan na rin sa maraming pagsasaaayos ang presidential house simula noong 1930 kung kailan ang dating palayan sa paligid ng Ilog Pasig ay ginawang Malacañang Park sa ilalim ni Pangulong Manuel Quezon.
Nagsimula naman itong tawaging “Bahay Pangarap” nang maupo si Diosdado Macapagal sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Nang palitan siya ni Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. sa pwesto, tinawag naman itong “Bahay Kubo” na nagsilbing tirahan ng ina nitong si Josefa Edralin Marcos.
Sa panahong ito ay lumitaw ang elemento ng Pilipinong disenyo ng bahay dahil sa pitched roof, sahig na gawa sa narra, at binatanag kapis.
Mula sa disenyong bahay-kubo ay naging clubhouse ang bahay ng pangulo at tinawag na “Bahay Malago” sa ilalim ni Pangulong Fidel Ramos.
Kalaunan, naging contemporary Asian style na ang bahay sa bagong estrukturang ipinatayo nang maluklok bilang pangulo si Gloria Macapagal Arroyo.