Hinangaan ng pet lovers at netizens ang isang content creator at fur parent matapos niyang ibida ang naging improvement sa isang asong galising na-rescue niya, na iniwanan sa terminal ng mga tricycle at muntik pang masagasaan.
Sa "Before and After" photos na ibinahagi ni "PAPS Jinok" sa kaniyang Facebook post, makikita ang kalunos-lunos na kalagayan ng asong si "Tric," na ipinangalan sa tricycle, noong day 1.
Makalipas ang ilang buwan, maayos na kalagayan ni Tric at kitang-kitang gumaling na rin ang galis nito sa katawan, na alagang-alaga ng kaniyang foster fur parent.
"Naalala nyo ba si TRIC paps yung puppy na tinapon sa paradahan ng tricycle at muntik nang masagasaan,
Ito na po sya ngayon ang laki laki na ang bango bango pa dinalhan ko po sya ng dog food at vitamins after ko ihatid si doggie potpot sa nag foster," aniya.
Naniniwala umano ang content creator na hindi pera ang isa sa requirements ng pag-adopt sa mga asong pagala-gala at walang sariling tirahan, kundi dedikasyon at puso.
"Hindi po requirements ang pagiging mapera para mag ligtas ng buhay DEDIKASYON at PUSO magagawan mo ng paraan para madugtungan pa ang kanilang buhay," aniya.
Sa comment section ay umapaw naman ang papuri at pasasalamat sa content creator mula sa mga netizen.