January 03, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Bakit able to read and write qualification ng mga kandidato sa Pilipinas?

ALAMIN: Bakit able to read and write qualification ng mga kandidato sa Pilipinas?
Photo courtesy: Freepik/Mary Joy Salcedo (BALITA)

Kamakailan lamang ay naging usap-usapan ang isinagawang filing ng certificate of candidacy (COC) ng mga nagnanais na tumakbo sa iba't ibang posisyon sa Pilipinas sa darating na 2025 midterm elections, na nagsimula noong Oktubre 1 at nagtapos naman noong Oktubre 8, para sa national at local government.

MAKI-BALITA: TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

Mas marami ang nagtaas ng kilay sa mga kandidato sa pagkasenador dahil bukod sa ang iba ay tinataguriang "trapo" o traditional politicians na matagal na sa posisyon, ang ilan naman daw ay "nuisance," at ang iba naman ay mga artista o celebrity.

Kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na 66 lamang mula sa 183 senatorial aspirant ang maaaring maisama sa opisyal na balota ng 2025 midterm elections.

Human-Interest

Pambato ng Pilipinas sa research competition sa Taiwan, waging first place

Sa isinagawa umanong initial screening ng ahensya, lumalabas na nasa 66 na senatorial aspirants lang umano ang nakikita nila na umano’y qualified upang maging official candidates.

Ang naiwan 117 na aspirants ay tila nakitaan umano nila ng ilang problema sa kanilang Certificate of Candidacy (COC), gaya ng over nominating at pagiging nuisance candidate.

MAKI-BALITA: Tinatayang 66 mula sa 183 senatorial aspirants ang maisasama sa balota- Comelec

Marami tuloy ang napapataas ang kilay kung bakit mas mataas pa raw ang qualification ng mga hinahanap sa trabaho kaysa sa mga kandidato sa pamumuno sa pamahalaan, na dapat ay "able to read and write."

Ipinaliwanag naman ng abogado at content creator na si Atty. Anselmo S. Rodiel IV ang dahilan kung bakit able to read and write o may kakayahang magbasa at magsulat lamang ang pinaka-qualification ng isang nag-aasam na kandidato sa Pilipinas, maliban pa sa dapat ay nasa hustong edad at residente ng bansa.

Aniya, may dalawa kasing tipo ng public officials sa Pilipinas: appointed/appointive public officials at elective public officials. Ang una ay hindi dumaraan sa halalan at itinatalaga sa iba't ibang ahensya o tanggapan ng pamahalaan gaya ng mga komisyuner tulad ng Commission on Audit, Civil Service Commission, Commission of Elections, Office of the Ombudsman, mga hukom, Chief Justice, mga heneral, at iba pang mga opisyal ng pulis at hukbong sandatahan. Kadalasan, ang nagtatalaga sa kanila ay Pangulo ng Pilipinas.

Dahil daw appointed o appointive sila, mataas daw talaga ang qualification para mapabilang dito.

Kontra naman sa tinatawag na "elective public officials," mga botante raw ang magdedesisyon kung sino ba ang magiging kinatawan sa pamamagitan nga ng halalan o eleksyon. Dahil daw dito, able to read and write lang ang inilagay sa Konstitusyon, dahil botanteng taumbayan nga ang dapat magpasya.

Sa puntong ito ay hindi raw kailangan ng mataas na edukasyon o narating sa buhay kung sino ang dapat na piliin dahil nakabatay raw ito sa "konsensya," "utak," "paniniwala," at "ideolohiya" ng botante kung sino ang napipisil niya mula sa mga kandidato.

"Para po sa akin, kung gusto talaga natin na highly qualified talaga 'yong ating mga public officials, mga elective public officials, kailangan po, tayo mismo ang magbago. Huwag nating baguhin 'yong batas, na kailangang gawing college graduates 'yan o kailangang gawing masteral, doktor, lawyer, doktor, whatever. Huwag pong gano'n," giit ni Atty. Anselmo.

"Tayo mismo ang magbago ng taste natin, kasi kung gagawin po natin 'yon, wala pong magiging isyu, wala pong magiging problema."

Sa isa pang TikTok video post ng abogado-content creator, ipinaliwanag niya ang dahilan kung bakit hindi kinakailangang college graduate, may graduate studies, o isang abogado ang isang elective public official, kagaya na lamang halimbawa ng Presidente.

Aniya, "Kasi ibinibigay po 'yong choice sa tao [botante]. Kapag nilimit natin sa college graduate 'yan o sa high school graduate o sa dapat may masteral, mapipigilan po 'yong will ng electorate. Mapipigilan po 'yong kagustuhan ng tao. Kung gusto ng tao si Juan Dela Cruz, kahit hindi siya nakatapos ng pag-aaral, dapat hindi po pigilan 'yong tao."

"Kasi at the end of the day, ang pinagtatalunan lang po dito, 'yong dami ng bumoto doon sa tao na 'yon. Hindi naman po 'yong taas ng grades o natapos natin sa pag-aaral," aniya.

Naniniwala rin ang abogado na hindi raw dapat baguhin ang "able to read and write" na kuwalipikasyon ng isang kandidato sa eleksyon dahil alinsunod ito sa batas; ang dapat daw magbago para magkaroon ng tunay na pagbabago, ay ang taste ng mga boboto.

"Ang ibig ko lang pong sabihin, kasi at the end of the day, kahit walang nakasulat na able to read and write 'yan, kahit walang nakasulat na age requirement 'yan, kung ang tao talaga mataas ang standards sa mga leaders, parang Binibining Pilipinas, parang Miss Universe, aba matindi talaga magiging pambato mo, matindi talaga 'yong kandidato ng Pilipinas, 'yong pang-international talaga. 'Yong pang-whole Universe talaga," paliwanag pa niya.

"So uulitin ko, para sa akin, sang-ayon ako sa able to read and write na 'yan, kasi dapat tao ang magdesisyon. Kung hindi maganda ang quality ng leader, aba, kasalanan ng tao 'yan, kasalanan ng Pilipino 'yan..." pahayag pa ng abogado.

OMNIBUS ELECTION CODE (BATAS PAMBANSA BLG.881)

Alinsunod nga sa 1987 Saligang Batas ng Pilipinas, sa Omnibus Election Code o Batas Pambansa Blg. 881, may apat na  pangunahing general qualification ang isang kandidato para makapag-file siya ng kaniyang kandidatura bilang eletive public officials. 

Una na rito ang "Citizenship" o pagkamamamayan. Dapat siya ay isang "natural born" citizen magmula sa Presidente, Bise Presidente, at mga miyembro ng Kongreso (Senado at House of Representative. 

Pangalawa, Edad:

- President/Vice President-- Kinakailangang at least nasa 40 taong gulang sa araw mismo ng eleksyon (Artikulo VII, Seksyon 2 ng Konstitusyon).

- Senador- Kinakailangang at least nasa 35 taong gulang sa araw mismo ng eleksyon (Artikulo VI, Seksyon 3).

- House of Representatives-- Kinakailangang at least nasa 25 taong gulang sa araw mismo ng eleksyon (Artikulo VI, Seksyon 6).

- Governor-- Kinakailangang at least nasa 23 taong gulang sa araw mismo ng eleksyon (Local Government Code, Seksyon 39).

-Mayor-- Kinakailangang at least nasa 21 taong gulang sa araw mismo ng eleksyon (Local Government Code, Seksyon 39).

Pangatlo, kailangang residente ng bansa, at may konsiderasyon din sa tagal ng residency sa bawat posisyon. 

At pang-apat, ang sinasabi ng abogado na able to read and write. 

"Candidates must be able to read and write in Filipino or any other local language or dialect (Constitution, Article VI and Article VII)," nakasaad sa election law.