Ibinahagi ni Senador Bong Go ang naging pagbisita nila ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Central Office ng Iglesia Ni Cristo (INC) upang makipagkita kay sa executive minister nitong si Eduardo Manalo.
Sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Oktubre 12, nagbahagi si Go ng ilang mga larawan kung saan kasama nila ni Duterte si Manalo.
Ayon kay Go, nangyari ang kanilang pagbisita sa INC noong Huwebes, Oktubre 10, kung saan napag-usapan daw nila ang “matibay na ugnayan ng Iglesia Ni Cristo at ng sambayanang Pilipino, lalo na ang dedikasyon ng simbahan sa paglilingkod sa kapwa.”
“Kapuri-puri ang malaking ambag ng INC sa panahon ng pandemya, maging sa pananalasa ng kalamidad tulad ng bagyo ay walang sawang nagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan,” ani Go.
Samantala, binati rin daw ni Go ang INC leader sa kaarawan sa Oktubre 31.
“Nawa’y humaba pa ang buhay ni Ka Eduardo upang makapaglingkod sa Diyos at sa kanyang kapwa Pilipino,” saad ni Go sa naturang post.
Matatandaang naghain kamakailan ng certificate of candidacy (COC) si Go para sa kaniyang reelection bid sa Senado.
MAKI-BALITA: Sen. Bong Go, patuloy na isusulong maayos na healthcare system 'pag na-reelect
Naghain naman ng COC si Duterte kamakailan para sa pagtakbo niya bilang alkalde ng Davao City.
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?