November 22, 2024

Home FEATURES Human-Interest

'Deserve mong i-flex anak!' Bakit nga ba naiyak ang isang guro sa regalo ng isang pupil?

'Deserve mong i-flex anak!' Bakit nga ba naiyak ang isang guro sa regalo ng isang pupil?
Photo courtesy: Teacher Sheng Vlog (FB)

Viral ang Facebook post ng isang guro-content creator ng ibida niya ang espesyal na regalong natanggap niya mula sa isang pupil noong pagdiriwang ng World Teacher's Day.

Ayon sa post ni "Teacher Sheng," nabagbag ang damdamin niya sa isang pupil na nagbigay sa kaniya ng pulumpon o bouquet ng dahon ng bayabas, dahil wala itong pambili ng tsokolate o iba pang regalo para sa kaniya.

“Deserve mong i flex anak! Sa dami ng bulaklak and chocolates na natanggap ni teacher pero hindi ka nagdalawang-isip na bigyan ako nito para maipakita at maparamdam mo yung pag appreciate mo sa akin bilang isang guro kahit hindi mo na ako teacher ngayon," mababasa sa post ni Teacher Sheng.

Paliwanag ng guro, hindi siya naiyak dahil binigyan siya ng dahon ng bayabas, kundi sa effort ng bata na ipakita ang kaniyang pagpapahalaga sa kaniya, sa simpleng paraang kaya nito. Hindi umano mahalaga sa guro ang materyal na bagay, kahit simpleng bati lang daw ay ayos na sa kaniya.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

"Kaming mga teachers hindi sa ano mang regalo na natatanggap namin o gaano kaganda o kamahal yung ibinibigay ninyo.

Simpleng bagay man iyan kahit simpleng 'greetings' lang ay masaya na kami. Ang mahalaga ay makita namin kayong nagsusumikap na mag-aral upang magkaroon ng magandang kinabukasan sa hinaharap."

"Makita lang namin kayo na sinusunod ninyo ang aming mga payo para sa inyong ikabubuti ay napakalaking pasasalamat na namin sapagkat ramdam namin na pinapahalagahan ninyo ang pagiging pangalawang magulang namin sa inyo," aniya pa.

Sa panayam ng Balita kay Teacher Sheng, sinabi niyang masaya siyang ibahagi ang nabanggit na post para magdulot din ng inspirasyon sa lahat, lalo na sa mga mag-aaral sa elementarya.

Nagpasalamat pa ang guro sa lahat ng mga nag-reshare at nagbalita sa kaniyang post dahil ang layunin daw niya ay magpalaganap ng inspirasyon at good vibes.

"Late ko na nabasa pero nakaka overwhelmed yung dami ng nag feature ng viral post ko. Yung iba kung nag ask permission man d ko na siguro nakita kaya sa lahat po ng nag p pm di ko po kayo ma isa-isa dahil sabog na sabog po yung messenger ko. Feel free to share po or feature kung sa tingin niyo po ay makakapagbigay inspiration po. Thank you po!" aniya.