Nag-react si dating Senador Leila de Lima sa naging pahayag ni retired police colonel at dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma na iniutos umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aalok ng reward para sa Oplan Tokhang ng administrasyon nito sa bansa.
Sa isinagawang pagdinig ng House quad committee nitong Biyernes, Oktubre 11, sinabi ni Garma na kinontak siya ni Duterte noong Mayo 2016 upang lumikha umano ng national task force para sa giyera kontra ilegal na droga, na kapareho umano ng “Davao Model.”
Ayon kay Garma, ang “Davao Model” umano ay tumutukoy sa sistemang may kinalaman sa “payment” at “rewards” kung saan may tatlo raw itong antas.
“The Davao Model involves three levels of payment of rewards. First is the reward if the suspect is killed. Second is the funding of planned operations, and the third is the refund of operational expenses,” saad niya.
Sinabi rin ni Garma na nasa P20,000 hanggang P1 million umano ang reward para sa drug personalities na napatay sa Oplan Tokhang.
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, nag-offer ng reward para sa drug war killings — Garma
Kaugnay nito, sinabi ni De Lima sa isang pahayag nitong Sabado, Oktubre 12, na umaasa siyang mas marami pang lumantad para ihayag kung paano raw ang naging sistema ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
“Laglagan na. Duterte's favorite policewoman and former PCSO GM Royina Garma was the first to stab Duterte on the back. With her revelations, hopefully more will come out with their own stories on how Duterte's EJK system was organized, operated, and financed,” ani De Lima.
Iginiit din ng dating senadora na dapat umano sabihin na rin ni Garma ang “buong katotohanan na wala nang itinatago o pinoprotektahan.”
“Sabi nga ni Cong. Barbers at Cong. Acop, pagkatapos niyang magbasa ng paa, dapat maligo na rin siya. Hindi pwedeng installment ang pagsasabi niya ng totoo. Kulang pa, Garma, pero salamat na rin sa iyong pagtestigo na ang libo-libong pinatay sa drug war ay bunga ng utos sa buong kapulisan ni Duterte, katuwang si Bong Go, na ulitin ang pagbaha ng dugo na ginawa nila sa Davao sa buong Pilipinas,” saad ni De Lima.
KAUGNAY NA BALITA: ‘I have no idea!’ Bato, wala raw alam sa ‘reward system’ para sa drug war
Noon lamang Hunyo ng taong ito nang ihayag ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyong Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno
Samantala, matatandaang nagsampa ang naturang administrasyon ng tatlong drug-related charges laban kay De Lima, na naging hayagang kritiko ng nangyaring war on drugs sa bansa.
Matapos ang mahigit anim na taong pagkakapiit ay napawalang-sala rin ang dating senador sa naturang tatlong kaso.
MAKI-BALITA: Leila de Lima, pinawalang-sala sa huling drug case