November 22, 2024

Home SPORTS

BALITAnaw: Ilang professional basketball players na nakatikim ng mabigat na parusa sa PBA

BALITAnaw: Ilang professional basketball players na nakatikim ng mabigat na parusa sa PBA
Photo courtesy: PBA Image and PBA and NBA World (FB)

Kasunod ng pagpataw ng Professional Basketball Association (PBA) ng “suspension without pay” kay cager John Amores, muling naungkat ang umano’y ilan pang mabibigat na inihatol ng liga sa iba nitong manlalaro matapos masangkot sa kontrobersiya.

KAUGNAY NA BALITA: Hatol ng PBA kay John Amores, pinutakti ng fans; kaso ni Abueva, ikinumpara!

Narito ang ilang manlalaro ng PBA na nakatikim ng masaklap na hatol matapos masangkot sa ilang kontrobersiya at maidawit ang liga at pangalan ng kanilang koponan.

Renaldo Balkman

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Isa sa mga maituturing na mainit na isyu noong 2013 ay ang kaso ng noo’y Petron import na si Renaldo Balkman matapos niyang sakalin noon ang sariling teammate na si Arwind Santos sa kasagsagan ng kanilang laro noon kontra Alaska Aces. Lifetime ban sa liga ang ipinataw ng PBA kay Balkman at pinagmulta rin siya ng halagang ₱250,000.

Samantala, makalipas lamang ang limang taon, ay pinayagan na muli itong makapaglaro sa bansa nang kuhanin siyang guest player ng San Miguel: Alab Pilipinas noong 2018.

Don Carlos Allado

Isang taong ban naman sa liga at multang ₱500,000 ang naging hatol sa noo’y Barako Bull big man na si Don Carlos Allado matapos ang “game-fixing” allegation niya noon sa PBA. Taong 2012 ng patawan ng parusa si Allado matapos niyang idaan sa noo’y social media platform na Twitter ang kaniyang saloobin hinggil sa umano’y anomalya ng liga.

Hindi naman ito pinalampas ng liga at pinatawan siya ng kalahating milyong kabayaran, na kinilala noong pinakamalaking danyos sa kasaysayan ng liga.

Kiefer Ravena

Tila kakaibang kaso naman ang sinapit ni Kiefer Ravena na noo’y nag-uumpisa pa lamang na mamayagpag ang karera sa PBA. Taong 2018 ng hatulan si Ravena ng 18-month suspension ng International Basketball Federation (FIBA) matapos umano niyang magpositibo sa drug test.

Matatandaang maka-ilang beses itong itinanggi ni Ravena at inaming “honest mistake” umano ang tatlong uri ng drugs na nagpositibo mula sa kaniya, na lingid daw sa kaniyang kaalaman ay nakahalo sa isang pre-workout sports drink. Nanatiling suspendido si Ravena sa lahat ng basketball game na nakapailalim sa accreditation ng FIBA.

Calvin Abueva

Matapos ang kontrobersyal na indefinite suspension noong 2019, muling nakatikim ng one game suspension si ngayo’y Magnolia Hotshot cager Calvin Abueva at karagdagang multa na ₱20,000. Ang nasabing one game suspension ay nangyari noong Abril 2024, matapos umano mag-dirty finger si Abueva sa isang fan nang matalo sila kontra Barangay Ginebra Kings. 

Matatandaan ding matapos makakuha ng indefinite suspension, Pebrero pa rin ng nasabing taon nang muli siyang pagmultahin ng ₱100,000 dahil sa pang-iinsulto niya sa San Miguel head coach Jorge Gallent na may kapansanan sa mata.

KAUGNAY NA BALITA: Hatol ng PBA kay John Amores, pinutakti ng fans; kaso ni Abueva, ikinumpara!

JR Quinahan

Tuluyan na ngang natuldukan ang karera ng 6’6 basketball player na si JR Quinahan matapos siyang masangkot noon kasama pa ang iba pang manlalaro ng PBA sa “ligang labas.”

Matatandaang noong Abril 2023, nang mag-viral ang isang video kung saan nakuhanan si Quinahan kasama si Rain or Shine Beau Belga na sangkot sa ligang labas nauwi sa gulo. Pinagmulta siya ng PBA ng ₱50,000 kung saan nasundan naman ito ng contact termination ng NLEX Road Warriors bagama’t may walong buwan pa ang manlalaro sa nasabing koponan.

Ilan lamang ang mga manlalarong nabanggit na nakatanggap ng mabigat na parusa sa kanilang karera sa professional basketball league.

Kate Garcia