Umalingasaw ang amoy ng isang sementeryo sa Libon, Albay matapos butusain ang ilang nitso dahil umano sa road widening.
Ayon sa ulat ng News 5, nakatambad pa sa labas ng bawat butas na nitso ang ilang sako, laman ang mga kalansay na inalis doon.
Ilang kaanak umano ng mga labi na binutas mula sa nitso at mga residenteng malapit sa naturang sementeryo ang nagreklamo umano dahil sa umaalingasaw daw na masangsang na amoy mula roon.
Sa panayam ng local media kay Rural Health Unit Officer Dr. Oriel Diaz Jr., tinatayang nasa 80% umano ng mga libingan ang nabutas na sa sementeryo at napag-alamang wala raw kaukulang permit ang nasabing pagbubutas sa mga ito.
“Parang mas exhumation po ang nangyari kasi 80% of the cemetery halos butas na. Wala pong permit na sinecure sa amin,” saad ni Diaz.
Pagmamay-ari daw ng simbahan ang lupa ng nasabing sementeryo at pawang mga tauhan din daw ng simbahan ang nagbutas ng mga libingan.
Dagdag pa ni Diaz, nag-aabiso umano ang simbahan hinggil sa pagbubutas na gagawin sa mga libingan na umano’y nakatakdang ma-renovate bunsod umano ng road widening sa lugar.
“Ire-renovate daw nila, parang mahahagip ng road widening na ginagawa for now. Ginagawa na raw ‘yun since May and nag-aabiso na raw sila every month kapag magma-mass siya na ini-inform niya parishioners na ganoon ang mangyayari,” dagdag pa ni Diaz.
Samantala, pansamantala umanong nahinto ang pagbubutas ng mga nitso alinsunod daw sa pag-uutos ng lokal na pamahalaan at papayagan lang daw itong maituloy kapag nakakuha na ng sanitary permit ang simbahan.
-Kate Garcia