November 22, 2024

Home BALITA National

Kerwin Espinosa, inutusan umano ni Dela Rosa na idiin si De Lima sa illegal drug trade

Kerwin Espinosa, inutusan umano ni Dela Rosa na idiin si De Lima sa illegal drug trade
Senator Ronald "Bato" Dela Rosa (Facebook), Kerwin Espinosa (House of Representatives/YT)

Isiniwalat ng umano'y drug lord na si Rolan "Kerwin" Espinosa na inutusan umano siya ni dating PNP chief na ngayo'y senador Ronald "Bato" Dela Rosa na idawit umano si dating Senador Leila de Lima sa illegal droga.

Sa pagdinig ng House quad committee nitong Biyernes, Oktubre 11, isiniwalat ni Espinosa kung paano siya inutusan ni Dela Rosa na idawit si De Lima maging ang businessman na si Peter Lim.

"November 17, sinundo ako ng mga kapulisan dito sa atin. Ang sumundo sa akin, si General Bato, inakbayan niya ako papunta sa sasakyan na Land Cruiser na puti, na bullet-proof. Noong sumakay na kaming lahat, si General Bato nasa front seat, ako ay nasa likod, pinagitnaan ako ng dalawang mga pulis, at sinabihan niya ako na aminin mo na sangkot ka sa kalakaran sa droga dito sa Pilipinas at idawit ko si Peter Lim at si Leila de Lima para madiin na sila," pahayag ni Espinosa. 

Kapag hindi raw siya sumunod sa planong iyon, pwede raw mangyari sa kaniya o sa miyembro ng pamilya kung ano ang sinapit ng kaniyang yumaong ama na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, na pinatay sa loob ng kulungan. 

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

"Nanginig ako sa panahon na ‘yon, hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. 'Yan po ay totoo, hindi po gawa-gawa ito," dagdag pa niya.

Pagdating daw noon sa Camp Crame, nagpa-press conference raw si Dela Rosa at ang kapulisan at isinali siya at tinuruan na humingi ng tawad sa noo'y pangulo na si dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa publiko sa pagbebenta umano niya ng illegal na droga.

"So ginawa ko, humingi ako ng tawad kay Presidente Duterte nabigyan ako ng pagkakataon na magbago. Sinabi ko pa noon, humanda kayo mga kasali sa kalakaran ng droga sa Pilipinas. Hindi ko pa naano [binanggit] pangalan ni Ma'am Leila de Lima no'n e," dagdag pa niya. 

Kwento pa ni Espinosa, plinantsa umano nila ang mga sasabihin sa Senado para sa imbestigasyon nito tungkol sa illegal drug trade. 

“Pinlantsa namin ‘yung dapat naming sabihin sa Senado para magtugma ang mga lugar, petsa, at kung ano pa. At pagkatapos nun, kinausap ako ni Sir Bato. ‘Yun na ang ilagay mo sa affidavit na kukunin ng mga PAO (Public Attorney’s Office) lawyer. So, after two days, nandoon na yung mga PAO lawyer. Kinunan na ako ng salaysay. At bago umalis si Sir Bato, sinabihan ako, ayusin mo nga kung ayaw mong may mangyari sa'yo."

Samantala, pinabulaanan ni Dela Rosa ang mga pahayag ni Espinosa.

"Kapag nakita ko siya, suntukin ko siya sa mukha. Sobrang sinungaling siya," aniya.

BASAHIN: Dela Rosa sa paratang ni Espinosa: 'Suntukin ko siya sa mukha'