Naghain si Senador Risa Hontiveros ng resolusyon na naglalayong imbestigahan ng Senado ang mga naiulat na kaso ng mga Pinay na ginagawa umanong surrogate mothers sa ibang bansa.
Sa isang Facebook post nitong Biyernes, Oktubre 11, ibinahagi ni Hontiveros, chairperson ng Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, ang kopya ng Senate resolution No. 1211 para maimbestigahan ang “mga balitang may nagpapadala ng mga Pilipino sa Cambodia para maging parte ng ‘infant-trafficking scheme’ bilang mga surrogate mothers.”
Base sa naturang resolusyon, binanggit ni Hontiveros na napag-alaman daw ng ahensya ng pamahayaan na may 20 Pilipinong babae ang biktima ng trafficking sa Cambodia na ginagawang mga surrogate.
“A Philippine agency was found to have trafficked Filipinos into Cambodia to become surrogates for an infant-trafficking syndicate,” ani Hontiveros.
“20 Filipino women who were trafficked into Cambodia to be used as surrogate mothers were rescued by Cambodian police,” saad pa niya.
Kaugnay nito, inilakip din ng senadora ang isang ulat ng GMA News kung saan ipinahayag ng Philippine Embassy in Phnom Penh 20 Pinay ang na-rescue ng Cambodian National Police sa Kandal Province noong Setyembre 23, 2024 na ginagawa umanong surrogate mothers.
Ayon pa sa embahada, 13 umano sa naturang 20 biktima ay nagkaroon ng “various stages of pregnancy” at kasalukuyang nasa ospital habang ang pito raw ay naghihintay nang mapauwi sa bansa.