“Sa wakas napangalanan na…”
Nagbigay ng reaksyon si dating Senador Leila de Lima sa naging pahayag ng umano'y drug lord na si Rolan "Kerwin" Espinosa na inutusan daw ito ni dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo'y Senador Ronald "Bato" Dela Rosa na idawit siya sa ilegal na droga.
Sa pagdinig ng House quad committee nitong Biyernes, Oktubre 11, isiniwalat ni Espinosa kung paano siya inutusan ni Dela Rosa na idawit si De Lima maging ang businessman na si Peter Lim.
MAKI-BALITA: Kerwin Espinosa, inutusan umano ni Dela Rosa na idiin si De Lima sa illegal drug trade
Kauganay nito, sinabi ni De Lima sa isang Facebook post nito ring Biyernes na matagal na raw nilang alam na napilitan lamang talaga si Espinosa na idawit siya sa illegal drugs dahil umano sa kagustuhan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Matagal na nating alam na napilitan lamang si Kerwin Espinosa na idawit ako sa ilegal na droga dahil sa kagustuhan ni Duterte. Sa wakas napangalanan na ang isa sa mga mastermind sa paggawa ng ebidensya na walang iba kung hindi si dating PNP Chief Bato Dela Rosa,” ani De Lima.
“Kailangan na ngayong harapin ni Bato ang pagtutuos ng katotohanan sa mga kasinungalingang ginawa ng gobyernong Duterte laban sa akin,” saad pa niya.
Samantala, nito lamang ding Biyernes nang magbigay rin ng reaksyon si Dela Rosa sa naturang pahayag ni Espinosa at sinabing wala umano itong katotohanan.
MAKI-BALITA: Dela Rosa sa paratang ni Espinosa: 'Suntukin ko siya sa mukha'
Matatandaang nagsampa ng kaso ang administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte ng tatlong drug-related charges laban kay De Lima, na naging hayagang kritiko ng nangyaring war on drugs sa bansa.
Matapos ang mahigit anim na taong pagkakapiit ay napawalang-sala rin ang dating senador sa naturang tatlong kaso.
MAKI-BALITA: Leila de Lima, pinawalang-sala sa huling drug case