Ikinatuwa ni Senador Risa Hontiveros ang pagkakaaresto sa umano'y “Big Boss” ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban, Tarlac at Porac, Pambanga na si Lyu Dong.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, Oktubre 11, binanggit ni Hontiveros na kamakailan lamang nang makuha ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, kung saan siya ang chairperson, ang pagkakakilanlan ni Dong at ang koneksyon umano nito sa iba pang malalaking personalidad na nasa likod ng pagtatatag ng scam hubs sa Pilipinas.
Kaugnay nito, sinabi ng senadora na malaking panalo ang pagkakaaresto kay Dong sa “kampanya laban sa mga kriminal na arktitekto ng POGO at scam hubs sa bansa.”
“His arrest brings us much closer to our goal of seeking justice for the victims of crimes related to POGOs and scam hubs, and accountability from public officials who enabled and tolerated these crimes,” ani Hontiveros.
Pinuri naman ng senadora ang mga nasa Presidential Anti-Organized Crime Commission, Bureau of Immigration, Armed Forces of the Philippines Joint Special Operations Group, at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines na nagtrabaho at sumigurong hindi makakatakas sa batas si Dong.
“Sana ay masundan pa ito ng pagaresto sa mga iba pang "big bosses" ng POGO at scam hubs, gaya nila Duanren Wu, Zhang Jie, at Huang Zhiyang,” ani Hontiveros.
“While Lyu Dong's arrest is a major win, we should not be complacent or reckless. Sa dami ng mga in-operate na POGO hub ni Lyu Dong, Hindi niya ito pwede nagawa ng walang kumanlong na kawani ng gobyerno. I hope that we can also identify the Filipino associates of Lyu Dong.”
“There are bigger bosses out there. Dapat natin silang mahuli, at dapat silang managot sa kanilang mga krimen laban sa napakaraming inosenteng tao,” saad pa niya.