‘Ika nga nila, walang pagkataong nararapat lamang sa loob ng kloseta, dahil wala nga raw pinipiling kasarian ang karapatang pantao.
Ngayong araw, Oktubre 11, 2024, ginugunita ang “National Coming Out Day.” Isang pag-alala umano para sa mga taong matapang na naging totoo sa kanilang kasarian.
Ayon sa De Montfort University, taong 1988 nang unang magunita ito sa iba’t ibang panig ng mundo.
KAUGNAY NA BALITA: National Coming Out Day, paano nga ba nagsimula?
Dito sa Pilipinas, makikita ang malaking pinagbago sa konsepto ng pagtanggap, para sa mga taong may piniling kasarian, o mga parte ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, Ally (LGBTQIA+) community, bagama’t nananatili pa ring malaking usapin ang batas na naglalayong maproktektahan sila kontra diskriminasyon.
Katunayan, sa mga lumipas na taon, ilang mga naglalakihang personalidad na nga ang matapang na niyakap ang sarili nilang kasarian. Kaya naman narito ang ilan sa kanilang pinili nang maging malaya sa labas ng kloseta.
Bb. Gandang Hari
Isa sa maituturing na kontrobersyal na nag-come out sa Philippine showbiz industry ay si BB Gandang Hari, na minsan nang nakilala bilang “Rustom Padilla.” Matatandaang naunang isapubliko ni Rustom na siya ay isang “gay” sa reality show na Pinoy Big Brother noong 2006. Ito ang unang pagkakataong bumalik sa telebisyon ang dating action star matapos ang hiwalayan nila noong ng dating asawa at aktres na si Carmina Villaroel.
Mula sa pagiging “Padilla” na kilala umano bilang brusko at action star, hindi raw madali ang dinanas na yugto ni Rustom upang magpakatotoo sa sarili. Samantala, taong 2009 naman nang gulatin ni BB ang kaniyang fans nang mag-come out siya bilang “Binibining Gandanghari.”
Ice Seguerra
Mula sa pagiging kampeon sa “Little Miss Philippines” at sikat na child star mula 1987-1997, inihayag ng singer-actress na si Aiza Seguerra ang kaniyang kasarian bilang “lesbian” noong 2007 habang 2014 naman nang siya ay mag-come out bilang “transman” noong 2014.
Taong 2014 nang ikasal si Ice sa singer-aktres na si Liza Dino at kasalukyang tumatayong ama sa anak ni Liza na si Amara.
Jake Zyrus
Isa rin sa naging maingay na come-out story, hindi lamang sa bansa, ngunit pati na rin sa Hollywood ay ang istorya ni Charice Pempengco, na ngayo’y kilala na bilang Jake Zyrus.
Taong 2007 nang maispatan ng limelight ang talento ni Jake sa pagkanta sa isa noo’y guesting niya sa sikat na TV show sa America na “Ellen DeGeneres” at “The Oprah Winfrey Show” noong 2008. Minsan na rin siyang nakilala sa sikat niyang awitin na “Pyramid” na niyanig ang noo’y Billboard 200 matapos nitong makapasok ikawalong puwesto habang ika-56 naman sa Billboard 100.
Hunyo 2013, nang aminin ni Charice na siya ay “lesbian” sa panayam niya noon kay Boy Abunda. Matapang niyang sinagot ang tanong sa kaniyang pagkatao sa kasagsagan ng kaniyang karera sa Hollywood matapos siyang maging parte ng sikat na musical show noon na “Glee.”
2017 nang mag-come out si Jake Zyrus bilang “transman.”
Raymond Gutierrez
Tila “family image” din ang naging balakid ng TV host na si Raymond Gutierrez bago siya mag-come out noong 2021. Sa naging panayam ng local media noon kay Raymond, pinag-isipan umano niya kung paano ang kaniyang pagpapakatotoo ay makakaapekto sa imahe ng kaniyang pamilya. Si Raymond ay kambal ng sikat na aktor na si Richard Gutierrez at anak ng celebrity couple na si Annabelle Rama at Eddie Gutierrez. Taong 2021 nang siya ay mag-come out bilang “gay.”
Klea Pineda
Noong 2023 naman nang isabay ni StarStruck season 6 Ultimate Female Survivor Klea Pineda sa kaniyang birthday celebration ang kaniyang pag-come out bilang parte ng LGBTQIA+ community. Idinaan ng actress ang kaniyang pagcome-out sa isang Instagram post noon kung saan sinabi niyang ‘yon umano ang pinakamatapang na desisyon ng kaniyang buhay. Dagdag pa niya, siya pa rin daw ang Klea Pineda na sinuportahan noon nang marami bagama’t siya ay nag-come out bilang ‘“lesbian.”
Ilan lamang ito sa mga istoryang buong tapang at pagmamalaking niyakap ng ilang personalidad upang mag-come out. Kaya naman ngayong National Come Out Day, sapat nang mas kilala mo ang sarili mo higit pa sa pagtanggap ng lipunan at ng ibang tao.
Kate Garcia