Pinaaaresto na rin ng House Quad Committee ang asawa ni dating presidential spokesperson Harry Roque na si Mylah Roque.
Sa isinagawang pagdinig ng komite hinggil sa extrajudicial killings (EJKs), ilegal na droga, at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) nitong Biyernes, Oktubre 11, pina-cite in contempt si Mylah dahil sa tatlong beses nitong hindi pagdalo sa hearing.
Inaprubahan ng House quad-committee ang mosyon ni Rep. Joseph Stephen "Caraps" Paduano na maglabas ng contempt order laban kay Mylah.
Samantala, matatandaang nauna nang naghain ang Kamara ng arrest order laban kay Harry. Noong Setyembre 12 nang ipa-cite in contempt ng House quad committee ang dating presidential spokesperson sa ikalawang pagkakataon matapos hindi sumipot sa pagdinig at kabiguang magsumite ng mga hinihinging dokumento sa Komite, tulad ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Ang pagdinig na isinagawa ng Komite ay hinggil imbestigasyon nito sa POGO na Lucky South 99, kung saan si Roque umano ang lumalabas na legal counsel nito.
MAKI-BALITA: Roque, ipina-cite in contempt dahil hindi isinumite ang SALN at iba pang dokumento sa House QuadCom
Matapos ilabas ang arrest order laban sa kaniya, nagtago si Roque, dahilan kaya’t tinawag siya ng chairperson ng quad-committee na si Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers na “pugante.”
Samantala, sa isang video message noong Setyembre 16, iginiit ni Harry na mahalaga raw ang kaniyang “kalayaan” kaya’t hindi na niya ito isusuko muli.
MAKI-BALITA: Harry Roque, 'di raw paaaresto: 'Hindi ko po isu-surrender muli ang aking kalayaan'