Nagpahayag ng suporta si dating senador at Mamamayang Liberal Party-list nominee Leila de Lima para sa tinawag niyang “anti-corruption champion” na si dating Commission on Audit (COA) commissioner Heidi Mendoza na naghain ng kandidatura sa pagkasenador para sa 2025 midterm elections.
Noong Martes, Oktubre 8, nang isumite ni Mendoza ang kaniyang certificate of candidacy (COC) para sa pagkasenador sa The Manila Hotel Tent City.
Kaugnay nito, sa isang pahayag nitong Huwebes, Oktubre 10, sinabi ni De Lima na malaki ang magiging kontribusyon ni Mendoza sa Senado dahil sa track record daw niya lalo na sa pagsugpo sa korapsyon.
“An anti-corruption and good governance champion that she is, malaki at mahalaga ang mai-aambag ni Heidi Mendoza sa ating Senado,” ani De Lima.
“Her capabilities and track record as former COA Commissioner speak for themselves.”
Bukod dito, tinawag din ng dating senador ang dating komisyuner ng COA bilang “matalino at matapang” lalo na raw sa pagsasaayos ng budget ng mga nasa gobyerno.
“Makakaasa tayo ng reporma sa budget process. Masigasig niyang babantayan ang pera ng taumbayan,” saad ni De Lima.
“Di hamak na mas qualified sya sa marami pang ibang kandidato. She can very well be a 'dark horse' in the senatorial race,” dagdag pa niya.
Matatandaang si Mendoza ang state auditor na naglantad ng mga maanomalyang transaksyon sa Makati City government sa ilalim ng kani-kaniyang termino ng mag-asawang sina dating mayor Elenita at Jejomar Binay, tulad daw ng pagbili ng overpriced medical supplies at equipment, at ang mahal na pagpapatayo ng parking building ng city hall.
Isiniwalat din niya ang corrupt practices sa military tulad ng pagtestigo niya laban kay dating military comptroller Carlos Garcia na inakusahang nangulimbat ng maging P303 milyong ill-gotten wealth.
Pinamunuan din niya ang team kung saan naglantad na gumawa si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) governor Atty. Zacaria A. Candao ng malversation na P21 milyon sa pondo ng gobyerno.
Bukod sa kaniyang mga taon sa COA, nagsilbi rin si Mendoza bilang undersecretary general ng United Nations Internal Oversight Services.