“Napakasakit. May pangarap ‘yung anak ko…”
Nagluluksa ngayon ang isang nanay sa Pasig City matapos pagbabarilin ang kaniyang college student na anak, na nagsisilbi rin bilang sakristan ng kanilang parokya, makaraang pauwi ito sa kanilang bahay mula sa pagsa-sideline bilang food delivery rider para makatulong sa kanilang pamilya.
Base sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras” ng GMA News, noong Lunes ng madaling araw, Oktubre 7, nang iparada na ng college student mula Brgy. Sumilang, Pasig City na si Allan Vincent Eugenio, 22-anyos, ang kaniyang motor mula sa pag-sideline sa trabaho nang biglang may dalawang lalaking lumapit sa kaniya.
Biglang bumunot ng baril ang isa sa mga lalaki at itinutok ito kay Eugenio. Dali-dali namang tumakbo palayo ang biktima ngunit hinabol siya ng may hawak na baril at saka umano ito pinaputukan nang hindi bababa sa sampung beses hanggang sa bumulagta na ito sa bangketa.
Pagkatapos nito, dali-daling sinakyan ng dalawang lalaki ang motor ni Eugenio para tangayin ito paalis.
Samantala, ang ina ni Eugenio na si “Michelle” ang agad na napabalikwas mula sa kanilang bahay at agad na sumaklolo matapos ang pangyayari.
Ayon kay Michelle, agad siya lumabas ng kanilang bahay nang marinig ang mga putok ng baril, at doon na raw niya nakita ang kalunos-lunos na sinapit ng kaniyang anak.
Naidala pa raw sa ospital si Eugenio ngunit agad din itong binawian ng buhay dahil sa dami ng tama nito ng baril.
“Napakasakit. May pangarap ‘yung anak ko. Makatapos [ng pag-aaral], makatulong, tapos sa isang iglap, ikaw ang nagtanggal ng buhay ng anak ko. Diyos na po ang bahala sa kaniya,” pagluluksa ni Michelle.
Ayon sa pulisya, ang pagnanakaw sa motor ng biktima umano ang talagang pakay ng dalawang suspek na naaresto rin daw sa loob ng wala pang 24 oras mula nang mangyari ang krimen.
Dagdag ng ulat, sinabi ni Pasig City Police chief PCol. Hendrix Mangaldan na may kaso na umano noon ang dalawang suspek na carnapping at attempted homicide.
Sinabi rin ni Mangaldan na modus operandi na raw ng naturang mga suspek ang mag-carnap ng motorsiklo, kung saan binabaril umano nila ang biktimang nanlalaban.
“Bakit ganoon ‘yung ginawa n’yo sa anak ko? Kung intensyon n’yong agawin ‘yung motor niya, sana kinuha n’yo na lang. Bakit pinatay n’yo pa?” saad ni Michelle.
Nahaharap na raw ang mga suspek sa mga kasong violation of the carnapping law, illegal possession of firearms, at murder.