Umaani pa rin ng ibat’ ibang reaksiyon ang isang video ni Kapuso singer-actress Julie Anne San Jose habang itinatanghal ang kantang “Dancing Queen” sa harapan ng altar ng isang simbahan.
Ang naturang performance ni Julie Anne ay nangyari umano noong Oktubre 6, 2024 kung saan nagtanghal ang singer sa “benefit concert” na isinagawa sa Nuestra Señora Del Pilar Shrine, Mamburao, Occidental Mindoro.
May sariling post din sa social media platform na TikTok ang Sparkle GMA Artist kung saan ibinida nito ang “incredible vocals” daw ng singer bilang special guest sa tinawag nilang Heavenly Harmony in Concert' (Harana para kay Maria).
May ilang video rin ang nagkalat sa TikTok kung saan lumapit din si Julie Anne sa kaniyang fans habang kinakanta naman ang “The Edge of the Glory” ni Lady Gaga.
Bunsod nito, tila maraming netizens ang pumuna sa animo’y concert daw ng singer sa hindi angkop na lugar.
“Harana para kay maria pero bat ganyan ang kanta?”
“Ginawang ASAP ‘yung simbahan.”
“SERIOUSLY? AT THE ALTAR? DO U EVEN KNOW NA BAWAL KUMANTA/SUMAYAW/GUMAWA NG WORLDLY SONGS/DANCE SA HARAP NG ALTAR?”
“Sa Altar talaga??????”
“Kailan pa naging concert hall ang simbahan? Sad di na nirespeto ang simbahan.”
“Tapos ang naka backless and sexy ng suot and nasa altar nag perform wow ha!”
Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Julie Anne San Jose maging ang Sparkle GMA Artist Center hinggil sa nasabing isyu. Bukas ang Balita sa kanilang panig.