November 22, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Jeepney driver, nilibre ng pamasahe estudyanteng tumulong sa kaniya noong pandemya

Jeepney driver, nilibre ng pamasahe estudyanteng tumulong sa kaniya noong pandemya
Photo Courtesy: Eddniel Patrick Ilagan Papa (FB)

“Dahil sa inyo nagkabigas at ulam kami noon.”

Tila maraming netizens ang naantig sa muling pagtatagpo ng sociology student at ng jeepney driver na minsan nitong natulungan sa pamamagitan ng community pantry noong pandemya.

Sa Facebook post ni Eddniel Patrick Ilagan Papa nitong Martes, Oktubre 8, ibinahagi niya kung paano siya naalala ng driver habang sakay siya sa minamaneho nitong jeep na ang ruta ng biyahe ay pa-Calamba. 

“Kanina habang nagre-review ako sa jeep para sa aking exam sa isang major course ay nag-abot ako ng bayad. Hindi tinanggap ni manong driver,” lahad ni Eddniel.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

“Huwag na raw,” pagpapatuloy niya sa kuwento. “Nagtanong ako kung bakit, sabi niya: ‘Hindi ba ikaw ‘yong nasa pantry noon sa simbahan? Noong kasagsagan ng COVID? Libre na pamasahe mo. Dahil sa inyo nagkabigas at ulam kami noon.’”

Kaya naman natuwa raw si Eddniel dahil naalala siya ni manong driver samantalang noong panahong iyon ay payat pa siya at may kulay pa ang buhok.

“May kulay pa ang buhok ko at payat pa ‘ko noon. Nakakatuwa na naalala niya ako dahil sa boses ko raw noong sumisigaw ako ng ‘dito po ang pila! Kumuha po tayo nang naaayon sa kailangan!’” aniya.

Ayon pa sa kaniya: “Hindi ako makapaniwala na tanda niya pa ‘yon. Magta-tatlong taon na ang nakalilipas… pero hindi talaga nakalilimot ang masa.”

Sa eksklusibong panayam ng Balita, sinabi ni Eddniel na hindi na raw bago sa kaniya ang pakikilahok sa mga gawaing tulad ng community pantry lalo na’t isa siyang mag-aaral ng sosyolohiya sa University of the Philippines-Los Baños.

“Bata pa lang po ay nagbo-volunteer na po ako sa mga organisasyon na sinasalihan din po ng aking kuya tuwing may kalamidad. Ang mga karanasan ko po siguro ang isa sa may malaking impluwensya sa ganitong aktibidad,” paliwanag niya.

“Ngunit, sa pagkakaroon at paggamit ng lente ng Sosyolohiya, mas nagagawa po nating makita at maiugat ang iba’t ibang aspekto bago tumugon sa pangangailangan at tawag ng bayan,” aniya.

Dagdag pa ni Eddniel: “Mula po rito, kinokonsidera natin ang isang grassroot o bottom-up approach, sapagkat mahalaga na ugatin muna ang pinanggalingan upang tunay na makatugon sa isyung panlipunan o aktibidad na makatutulong sa masa.”

Sa huli, nag-iwan siya ng tila isang mapagpalayang mensahe para sa mga kabataang gaya niya.

Ayon sa kaniya: “Alam ko na ang henerasyon natin ngayon ang magbabaliktad ng tatsulok at tunay na tutugon sa tawag ng bayan. Ngunit, mahalaga na mauna nating paunlarin ang ating mga sarili habang unti-unti ay humahakbang para sa pangarap sa sarili, pamilya, at bayan.”

“Huwag mag-atubiling tumindig, duminig, at tumugon sa mga nangangailangan. Let’s reach the unreached, and serve the underserved,” pahabol pa niya.

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa mahigit 12k reactions at 3k shares ang nasabing post ni Eddniel.